Winalis ng Far Eastern University ang pitong laro ng V-League Collegiate Challenge matapos makumpleto ang 16-25, 28-26, 25-13, 25-21 na panalo kontra University of the East.
Ang wing spiker na si Chenie Tagaod ay tumipa ng 13 attacks kasama na rin ang 16 na puntos, dalawang blocks at isang ace para pangunahan ang Lady Tamaraws, na walang naging balakid para ukupahin ang top seed sa semifinal round na inorganisa ng Sports Vision.
“Siguro gumana ‘yung team chemistry namin at nagka-intindihan kaming lahat sa gusto naming mangyari. Yun nga lang, sa mga bagay na dapat naming ma-control, which is ‘yung mga errors, kailangang trabahuhin pa talaga,” ang sabi ni interim coach Manolo Refugia.
Naging solido rin para sa FEU ang kanilang panggitna na si Mitzi Panangin na tumapos na may 13 puntos habang nagambag naman si Jaz Ellarina ng 12 puntos bilang reliever.
Pinamunuan naman ni Caseiy Dongallo ang Lady Red Warriors kung saan bumandera siya ng may 25 puntos pero hindi ito naging sapat para magiyahan ang kanyang koponan na sumadsad sa 5-2 win-loss record.
Dinaig naman ng Ateneo ang matinding hamong inihain ng ng National U bago maisagawa ang 25-23, 26-24, 25-9 tagumpay sa labanan ng mga barako.
Ang Blue Eagles ay umalagwa sa ikatlong yugto kung saan naipose nila ang 16-6 kalamangan at hindi na lumingon pa para kuhain ang ikalimang panalo sa pitong laban
.
“I was happy na kinapitan nila ‘yung (second set). Sumunod sila sa game plan namin na kailangan lang naming mag-serve ng maayos at ‘yung target, and everything else will follow,” ang sabi ni Ateneo coach Timothy Sto. Tomas.
“Tapos nakita ko naman ‘yung iba, lahat ng bola dinedepensahan na. So, with that, I was very happy.”