Sumailalim sa anger management at Sports Psychology class ang PBA draft applicant na si John Amores dahil ayaw na niyang maulit ang pag-aamok sa court sakaling mapili sa Philippine Basketball Association.
“Nakatulong sa ‘kin yung pagte-take ko ng sports psychology and anger management… ‘yun ang pinaka nakatulong sa ‘kin and kailangan ko po i-apply ngayon yun sa mga darating na mga games ko kasi ito na yung pinaka-last chance ko, hindi na pwede mangyari sakin yun lalo na sa PBA kung mapi-pick man ako,” sabi ni Amores sa panayam sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
“Siguro naman po hindi naman ganun kabilis ‘yun, syempre dumarating pa rin na umiinit yung ulo mo pero alam ko sa sarili ko ano yung limit ko, alam ko na rin sa sarili ko na na-work ko na siya na hanggang dito na lang, hindi ka na pwedeng lumampas d’yan kung ano ‘yung pwedeng iinit ng ulo mo,” dagdag niya.
Aminado siya na may mga pagkakataon na umiinit pa rin ang ulo niya pero hindi na katulad ng dati.
Tanggap naman ni Amores ang mga komentaryo ng kanyang bashers pero ang focus niya sa kasalukuyan ay kung ano ang makatutulong sa kanyang sarili.
Gusto sana ni Amores na maging bahagi ng Ginebra o Rain or Shine at kung palarin ay tiniyak niyang makatutulong siya sa team.
“ Lahat naman siguro ng players gusto, mapunta sa Ginebra pero may isa rin akong gusto na team na kung siguro fit ako sa kanila na makakatulong ako, gusto ko rin naman po kay Coach Yeng Guiao,” sabi ni Amores.