Masasabi ko na hindi madali ang maging reporter ngunit kaakibat nito ang saya kapag nalampasan mo ang mabibigat o mahihirap na balita na natoka sa ‘yo.
Sa karanasan ko , masaya na naging daan ang aking trabaho para makarating sa mga lugar na hindi na basta mapupuntahan sa ngayon katulad ng bansang Syria.
Nagtungo ako roon para sa isang presidential coverage sa pagbisita sa Syria ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Isa pang dahilan kung bakit hindi madali ay kapag may matinding sakuna na dapat i-cover.
Life threatening pero iba ang tagumpay na mararamdaman kapag nalampasan at nagawa mo pa rin sa kabila ng banta.
Kabilang sa panganib na nasuong ng inyong lingkod ay lugar ng San Fernando, Pampanga na stranded ang buong TV production sa Provincial Capitol dahil sa pagragasa ng lahar dala ng malakas na bagyo.
Bigla ang pagtaas ng tubig kaya agad kaming umakyat sa gusali, kasunod kasi ng tubig baha ay lahar.
Walang pagkain at konti lang ang dalang inuming tubig.
Nakakatakot dahil hindi namin alam kung aabutin ng lahar ang kinalalagyan namin.
Inabot kami ng magdamag dahil hindi madali ang rescue gamit ang helicopter sa lakas ng hangin at hindi rin basta kaya ng rubber boat ang lakas ng current.
Umaga na nang nasagip kami ng AFP/PNP pero nilagnat ako, marahil sa tindi ng takot.
Dumiretso kami sa Clark para doon mag-feed o magpadala ng video at mag live report.
Matapos ang takot at panganib ay naging masaya ang lahat dahil nakaligtas kami at hawak namin ang magagandang video ng insidente.
Isa pa rin sa hindi ko makakalimutan na karanasan ay hindi madali ang maging mamahayag ay sa pagsukat ng tanong.
Minsan na rin akong nagtago sa ilalim ng table ko sa Press Working Area dahil sa hiya.
Sa unang bahagi ng Duterte administration, tanging government media ang may access para makapag cover sa loob ng Malacanang at
kabilang ako sa pumasok para sa ipinakitang umano y drug matrix.
Nagbigay ng pahintulot para makapagtanong isa o dalawa sa Pangulo.
Una kong tinanong ang umano y banta sa peace and order sa Mindanao at kung bibigyan niya ng puwesto sa gabinete ang isang opisyal ng pamahalaan.
Tiningnan ako ng pangulo at tinanong kung kaibigan ko yun opisyal o kung mayroon akong telephone number niya, may isa sa cabinet members ang agad tinawagan ang government executive at kinausap siya ng Pangulo para sa ibibigay na posisyon.
Pinagpawisan ako ng malamig at gusto ko lumubog na lang sana sa sahig dahil sa kahihiyan.
Naka-record kasi ang lahat ng ito sa Radio TV Malacanang o RTVM para iere sa radyo at telebisyon.
Pagkatapos nang pag-uusap nila ay tinanggap ng opisyal ang puwesto bilang miyembro ng gabinete.
Ang akala ko hindi na ito iere dahil malaki na rin ang balitang drug matrix.
Naipamigay ko na rin sa kapwa ko reporters ang balita hinggil sa bagong appointment sa gabinete.
Ngunit pagdating ko sa Press Working Area ang unang ipinalabas sa telebisyon ay ang tanong ko sa Presidente.
Hindi ko alam kung paano ako nagkasya sa ilalim ng cubicle table ko ng sandaling iyon.
Pero masaya na rin dahil malaki ang istorya at nasagot ang tanong ng reporters.
Alam ko na marami sa aking kasamahan sa industriya na may sariling kuwento sa mga hamong hinarap dahil sa trabaho.
Salamat na rin sa Panginoon at nalampasan namin ito para patuloy na makapaghatid ng de kalidad na balita sa mamamayan.
Self rewarding ito dahil nagampanan ko ang aking tungkulin ba maghatid ng balita sa publiko.