Suportado ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry ang mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na bawasan ang taripa sa mga imported na bigas.
Ayon kay Dr. Cecilio Pedro, ang pangulo ng naturang grupo, magandang daan ito upang lalo pang mapatatag ang presyo at supply ng bigas sa mga merkado sa buong bansa.
Masyadong mataas aniya ang una nang ipinataw na buwis sa mga imported na bigas kayat malaki ang idinadagdag ng mga retailers at importers paglabas nito sa merkado.
Paliwanag ni Dr. Pedro, nasa 30% ang kasalukuyang ipinapataw na taripa sa imported na bigas na siyang isa sa mga batayan sa paglalaan ng aktwal na presyo.
Batay sa mungkahi ng DOF, ang 30% ay posibleng ibaba ng hanggang 10% lamang.
Naniniwala kasi ang DOF na sa ganitong paraan ay mababawasan din ang presyo ng bigas sa mga merkado.