Itinanghal na kampeon si Caryl Bolasa, kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Mimaropa, sa isinagawang 2023 Regional Philippine Statistics Authority (PSA) Quiz Bee sa Quezon City noong Setyembre 11.
Si Bolasa na siyang Listahanan Statistician ng ahensiya ay nagpamalas ng angking galing at talento sa pagsagot ng mga katanungan na may kinalaman hinggil sa estadistika. Tumanggap si Bolasa ng sertipiko ng pagkilala, plake, at cash prize na nagkakahalaga ng P10,000.
Samantala, nakamit naman ni Loren Kaye Garcia ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mimaropa ang ikalawang pwesto. Sinundan naman ni Jayvee Manguito mula sa National Economic and Development Authority (NEDA) Mimaropa.
Ang naturang gawain ay bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-sampung taong pagkakatatag ng PSA, gayundin ang selebrasyon ng 34th National Statistics Month sa Oktubre. Si Bolasa ang magiging kinatawan ng rehiyon sa gaganaping national competition sa Oktubre 5.
(PIA)