Timbog ang isang dating pulis sa Malabon City dahil umano sa illegal possession of firearms at pagkasangkot sa droga.
Sa ulat ni Oscar Oida sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Alexis Chan, dating miyembro ng PNP Special Action Force.
Dinakip si Chan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern Police District sa kaniyang bahay sa Barangay Acacia, Malabon sa bisa ng search warrant.
Ayon sa hepe ng CIDG ng NPD na si Police Lieutenant Colonel Dominick Soriano Poblete, nakatanggap sila ng mga ulat na matapos ma-dismiss sa serbisyo, nasangkot si Chan sa pagkalat ng hindi lisensyadong baril at ilegal na droga.
Nabawi kay Chan, isang dating patrolman, ang ilang bala, isang kalibre .38 at isang .22 long firearm na baril.
Enero 2022 nang mag-AWOL umano sa serbisyo si Chan hanggang sa tuluyan nang ma-dismiss noong Nobyembre 2022.
Bukod dito, marami ring pinagkakautangan na mga dating kasamang pulis si Chan.
Tumangging magbigay ng pahayag ang dating pulis nang subukang kunan ng komento ng GMA Integrated News.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 in relation to B.P. 881 ng Omnibus Election Code.
(GMA)