Sa kabila ng mga balitang magkakaroon ng studio si businessman-host Willie Revillame sa gusali ng Philippine Information Agency (PIA) para sa umano’y magiging show niya sa state-run PTV4 at IBC-13, inamin ni PIA Director-General Joe Torres na wala pang pinal na desisyon dahil pinag-aaralan pa ng mga abogado ang panukala.
Sa esklusibong panayam ng Dyaryo Tirada kay Torres, sinabi niya na may panukalang memorandum of understanding (MOU) o memorandum of agreement (MOA) na ibinigay ang PTV4 sa PIA hinggil sa isyu ngunit hindi pa naman niya nilagdaan ito.
Ang PTV4 ay pinamumunuan ni acting general manager Anna Puod.
“Actually mayroong proposed MOU o MOA na binigay yung PTV sa amin hindi pa namin pinirmahan. Hindi ko pinirmahan matagal na nga yun pagkaupo ko pa lang,” sabi ni Torres.
“Kaya kami din po hindi rin sumasang-ayon ang unang question ko nga diyan ano ang benefit ng PIA,” dagdag niya.
Nang tanungin si Torres kung may posibilidad na masampahan ng kaso ang PIA executives kapag lumagda sa panukala ni Puod, ang sagot niya, “Baka yun nga ang abutin namin sa mga abugado tignan nila mabuti at marami rin silang questions.”
Dumistansya si Torres sa isyu nang pagpaskil ni PIA Deputy Director-General Katherine Sinsuat De Castro ng mga larawan sa Facebook kaugnay sa umano’y ocular inspection ni Revillame noong 9 Agosto 2023 sa isang mistulang bodegang parte ng PIA building.
“It was an exciting morning with the one and only Mr. Willie Revillame. With us is PCO Secretary Usec. Gerald Baria, PTV General Manager Ana Puod, IBC President Jimmy Policarpio, PTV HEA Ma. Cristina Stohner Tan. PIA DG Joe Torres was represented by DDG Karl Louie Fajardo, ODG COS Atty. Deo Culla, ADG Alvin Lorenzo, MS.Liberty Aragones, Atty. Julius De Peralta and yours truly,” ani De Castro sa Facebook post.
“Ako, wala ako sa araw na ‘yan nandoon ako sa isang meeting sa ASEAN inimbitahan kasi yata sila ni Anna (Puod) para tignan ‘yung studio,” paliwanag ni Torres.
“Basically ngayon wala pang whatever commitment ang PIA sa paggamit ng lugar na ‘yan,” dagdag niya.
Binigyan diin ni Torres, “Non-existent, there is no existing MOA or MOU mayroong proposed pero pinagaaralan pa ng mga abogado ang pwede.”
Hinggil sa pagsama ng PIA official sa ocular inspection, sinabi ni Torres, “Sumama lang sila doon para tignan ‘yun. hindi ko naman siya pina-explain pero sumama lang sila roon sila lang ang nagsabi na dumating sila Anna (Puod) tapos kasama si Willie (Revillame) tinignan yung lugar tapos nandun sila.”
Tiniyak ni Torres na kakausapin niya si De Castro hinggil sa “ocular inspection” sa umano’y planong studio ni Revillame sa PIA building.
“Kakausapin ko siya (De Castro) ngayon na mayroong ganyan,” wika ng PIA chief.