Inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong” Marcos Jr. kahapon ang Department of Agrarian Reform para sa agarang pagpapatupad ng Republic Act 11953, o ang New Agrarian Reform Emancipation Act.
Ibinigay ni Marcos sa DAR ang marching order sa presentasyon ng Implementing Rules and Regulation ng RA 11953 sa central office ng DAR sa Quezon City.
Naipasa noong 9 Hulyo 2023, pinawawalang bisa ng batas ang lahat ng pautang, kabilang ang mga interes, multa, at surcharge na natamo ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo, o ARB, mula sa lupang iginawad sa kanila.
Tinatayang 1.173 milyong ektarya ng lupa ang sakop ng condonation, na makakatulong sa 610,054 ARBs na may utang na tinatayang P57.55 bilyon sa hindi pa nababayarang amortizations.
Ang DAR ay hinimok ni Marcos na “magsumikap para sa maayos at agarang pagpapatupad ng IRR na ito upang ang ating mga benepisyaryo ay makalaya sa bigat ng utang at umani ng mga benepisyo mula sa lupang kanilang masipag na sinasaka.”
Upang matulungan ang mga ARB na “mamuhay ng mas marangal at makamit ang seguridad sa pagkain para sa ating mga tao,” tiniyak din niya sa kanila ang patuloy na suporta ng gobyerno.
Pinirmahan ni Marcos ang Executive Order No. 4 noong 13 Setyembre 2022 na nagpapalawig sa moratorium sa pagbabayad ng prinsipal na obligasyon at interes ng amortization na dapat bayaran at babayaran ng mga ARB para sa mga lupaing iginawad sa kanila ng dagdag na dalawang taon, o hanggang Setyembre 13, 2025.
Sinabi ni Marcos na itinuring niya ang pagpapalabas ng IRR ng RA 11953 bilang kanyang “pinakamahusay” na regalo sa kaarawan.
“As we chart a path towards a more self-sufficient and equitable Philippines, this administration reaffirms its commitment to enrich the lives of our farmers, ensure the rapid industrialization of our farmlands and promote sustainable and inclusive growth in the countryside,” aniya.