Nagbigay ng pahayag ang aktres na si Bea Alonzo kaugnay ng insidente na nangyari kamakailan sa GMA-7 weekend variety show na All-Out Sundays.
Matatandaang noong September 3, 2023 episode, nakita si Bea na hawak ang cake ng Kapuso actress at noo’y birthday girl na si Kyline Alcantara habang nagpapasalamat ito.
Bagamat kusang kinuha ni Bea ang cake mula kay Kyline para tulungan ito, may mga pumuna at tila nainsulto para sa dating Kapamilya star.
Pakiramdam ng mga fans ni Bea ay nagmukhang alalay ni Kyline ang idol nila.
Himutok nila sa social media, mas matagal na sa showbiz si Bea kesa kay Kyline, at mas marami na ring napatunayan sa dami ng box-office hit movies at awards pati na rin top-rating series.
Hindi man lang din daw naisipan ng male co-host na si Rayver Cruz (L) at ng boyfriend ni Kyline (4th from R) na si Mavy Legaspi (5th from L) na kunin ang cake kay Bea (3rd from R).
JUST GIVING A HELPING HAND
Sa text message na ipinadala ni Bea sa YouTube showbiz talk show na Marites University, sinagot ni Bea ang isyu.
Base sa tono ng mensahe ni Bea ay hindi big deal para sa kanya ang nangyari.
Ani Bea, “Naaawa kasi ako kay Kyline na hindi niya mahawakan ang microphone niya kaya kinuha ko na lang yung cake para makapag-thank you naman siya sa sponsors niya.”
Sa kasalukuyan ay busy si Bea sa upcoming TV series na Love Before Sunrise opposite Dennis Trillo.
July 1, 2021, nang opisyal na pumirma si Bea ng kontrata sa GMA Network matapos ang 18 years na nasa ilalim siya ng pangangalaga ng ABS-CBN.
Start-Up PH — Philippine adaptation ng sikat na South Korean series Start-Up — ang unang serye na ginawa ni Bea sa GMA-7.
Tumakbo ang serye mula 26 Setyembre hanggang 23 Disyembre 2022.
(pep.ph)