Naipasa na sa third and final reading ang Senate Bill 2200 na authored ni Senador Sherwin Gatchalian at tumatayong principal sponsor ng panukala na nagsusulong ng school-based health program sa basic education o mga eskwelahan sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, gagawing institutionalized ang pagsusulong ng mental health at well-being sa basic education sa pamamagitan ng mga school-based mental health program.
Nakapaloob din sa naturang panukala ang pagtatayo ng mga care centers at pagdaragdag ng mga bagong plantilla positions para sa mga mental health specialists at mental health associates sa Department of Education.
Sakaling maging ganap nang batas ay tatawagin itong “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act”.
Bumoto ang lahat ng 22 senador pabor sa naturang panukalang batas.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, naniniwala siya na magiging malaking tulong ang naturang panukala sa umiiral nang Mental Health Act o RA 11036.
“Malaking tulong para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga mahal sa buhay ang pagkakaroon ng accessible school-based mental health services upang tugunan ang iba’t-ibang mental health problems, mula academic stress hanggang self-injurious and harmful behaviors, gaya ng insidente ng suicide,” sabi ni Hontiveros.
Dagdag pa ni Hontiveros, ang ganitong klase ng mga programa dapat ang mas pinagtutuunan ng pansin at pondo ng Department of Education (DepEd) at hindi ang mga aniya’y counter-productive at surveillance activities sa mga eskwelahan.
“Ito dapat ang prayoridad na pag-ukulan ng pondo, hindi ang mga counter-productive at redundant na surveillance activities sa mga paaralan. Lalo’t ang mga surveillance activities, whether done by civilian or uniformed personnel, ay nakakapagpalala lalo ng psychological distress sa ating mga mag-aaral at kaguruan,” saad ng senadora.
Una nang sinabi ni Gatchalian sa kanyang sponsorship speech noong Mayo na maraming mga kabataan ang may kinakaharap na pagsubok sa kanilang mental health na kinakailangang tugunan ng gobyerno.
Naniniwala si Gatchalian na banta ito sa well-being, academic success at kinabukasan ng mga kabataan.
“Marami pa rin sa atin ang hindi lubos na nakakaunawa sa usaping ito. Marami pa rin sa atin ang inaakalang simpleng tulog at pahinga lamang ang solusyon upang matugunan ito. At ang pinakamalala sa lahat, marami pa rin sa atin ang apektado ng suliraning ito, ngunit bigong makahingi ng angkop at propesyunal na tulong. Ika nga, ang mental health crisis at isang ‘silent killer’,” sabi ni Gatchalian sa kanyang sponsorship speech.