Isang babae ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na lalabas sana ng bansa gamit ang umano’y pekeng Belgian passport na nabili niya nang may mapanood na video sa Tiktok.
Ayon sa BI, sasakay umano ang Pinay sa Kuwait Airlines na biyaheng Ercan, Cyprus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nang maharang ito dahil napansin umano ng mga immigration officer ang hindi magkakatugmang impormasyon sa kaniyang pasaporte at arrival stamps.
Nang suriin ang pasaporte, natuklasan na peke ito at ang kanyang residence card at immigration stamps.
Una umanong nagpakilala ang babae na isa siyang Belgian national. Pero kinalaunan, inamin niya na dati siyang overseas Filipino worker pero na-deport dahil walang working visa.
Kuwento niya, may nakita siyang Tiktok video na nag-aalok ng EU passport na binayaran niya ng P700,000 para makabiyahe.
Pinangakuan pa umano siya ng kausap na bibigyan ng trabaho sa Greece bilang caregiver.
Ipinasa ng BI ang kaso ng babae sa Inter-Agency Council Against Trafficking para alamin kung biktima siya ng trafficking o hindi.