Inamin ng pamunuan ng FIBA governing body na naka-apekto umano nang malaki sa crowd attendance ang mataas na halaga ng mga ticket sa kabuuan ng 2023 Basketball World Cup.
Sinabi ni FIBA Secretary-General Andreas Zagklis na maaari naman sanang nakapag-alok ang management ng FIBA ng mas murang ticket, para sa mga basketball fans dito sa Pilipinas.
Sa datos na inilabas ng FIBA matapos basagin noon ng Pilipinas ang record sa dami ng bilang ng mga nanuod sa opening ng FIBA 2023 sa Philippine Arena, unti-unti nang bumaba ang bilang ng mga nanonood hanggang sa huling araw nito.
Ayon kay Zaglis, may ilang kategorya na matatawag na hindi succesfull dahil sa napakababang bilang ng mga nanood at ikinalungkot ng FIBA official ang aniya’y mas mataas na presyo ng mga ticket kumpara sa kung ano ang market acceptable price.
May mga laro kasi umano kung saan punong-puno ang mga murang/affordable na mga upuan, habang ang ibang lebel na malayong mas mahal, ay bakante.
Paliwanag ni Zaglis, ang presyo ng mga ticket na ibinenta para sa bawat FIBA game ay tinutukoy ng local organizing committee, ngunit dumaan pa rin sa review ng FIBA governing body.
Ayon sa FIBA, sa Group phase pa lamang ay umabot na ng hanggang P27,299 ang isang piraso ng ticket habang sa category 1 ay mula P11,099 hanggang P14,599.
Isa pa sa naging problema aniya, ay ang mas pinipili na lamang ng ilang mga pinoy fans na manuod sa tv kaysa pumunta mismo sa venue.
Ayon kay Zaglis, mas maraming mga fans ang inaasahan sana nilang manunood, ngunit maaaring nagkaroon ng malaking impact ang mga naturang problema.
Sinabi rin ni Zaglis na ang naturang isyu ang isa sa mga pag-aaralan nila pagsapit ng susunod na Basketball World Cup kung saan nakatakda itong isagawa sa Doha, Qatar sa 2027.