Naglabas ang bansang Tsina ng isang bagong mapa kamakailan na naglalaman ng tinatawag na 10-dash line, isang ekspansyon mula sa kanilang orihinal na 9-dash line claim sa South China Sea na kung saan sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noon 2016 ay pinawalang saysay.
Ang diskarteng ito ay nagdudulot ng malaking pag-aalala hindi lamang sa mga karatig-bansa, kabilang na ang Pilipinas, kundi pati na rin sa buong komunidad ng internasyonal.
Ang 10-dash line na ito ay tila nagpapakita ng mas malawak na ambisyon ng Tsina na kontrolin ang halos buong South China Sea, isang estratehikong ruta na mahalaga hindi lamang sa mga bansa sa rehiyon, kundi pati na rin sa iba pang mga bansa sa buong mundo.
Ang hakbang na ito ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa regional at international security.
Unang-una, ito ay maaaring magdulot ng mas matinding tensyon sa pagitan ng Tsina at iba pang mga bansa na may claim sa South China Sea, kabilang na ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan.
Ang ekspansyon na ito ng claim ng Tsina ay maaaring magpalala ng mga hidwaan at maaaring magdulot ng potensyal na mga konflikto.
Pangalawa, ang paglalabas ng Tsina ng bagong 10-dash line sa mga bago nilang labas na mapa ay nagpapakita ng kanilang kawalan ng respeto sa internasyonal na batas, partikular na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa kabila ng ruling ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na pumabor sa Pilipinas at nagdeklara na walang legal na batayan ang 9-dash line claim ng Tsina, patuloy pa rin itong nagpapalawak ng kanilang claim.
Pangatlo, ang bagong 10-dash line ay maaaring maging banta sa malayang paglalakbay at kalakalan sa South China Sea.
Ang South China Sea ay isa sa mga pinakamahalagang ruta ng kalakalan sa buong mundo at ang anumang pagbabanta sa kalayaang ito ay maaaring magdulot ng malaking epekto sa global economy.
Sa harap ng mga banta na ito mula sa kalapastanganann ng bansang Tsina, mahalaga na ipagpatuloy ng ating bansa sa pamumuno ni Pang. Bongbong Marcos magtanggol ng ating mga karapatan at interes.
Kailangan nating gamitin ang ASEAN bilang epektibong plataporma upang magsama-sama at magkaisa bilang isang rehiyon upang harapin ang ganitong uri ng paglabag mula sa panggigipit at kalapastanganan ng bansang Tsina sa mundo.
Sa mas malawak na konteksto, kailangan natin ng mas malalim na diplomasya at malawak na kooperasyon sa antas internasyonal at lalo na ang matatag na paninindigan sa harap ng agresibong panglalapastangan ng maimpluwwesyang bansa gaya ng Tsina upang tugunan ang isyung maaaring maging isang malaking suliraningn pang seguridad, ekonomiya at pulitika sa mundo.