Iimbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ang sahod ng matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na naging triple at umabot na sa P72.244 milyon noong 2022.
Sa inihaing House Resolution 1261 ni Anakalusugan Rep. Ray Reyes pagkatapos ng budget hearing sa Department of Health (DOH) kamakalawa, nais ng House Committee on Health na imbestigahan ito upang makapagbalangkas ng batas at maurirat kung bakit naging triple ang sahod ng PhilHealth executives noong 2022.
Ang resolusyon ay bunsod ng natuklasan ng Commission on Audit (CoA) na nagsiwalat na ang suweldo at sahod ng mga opisyal ay umabot sa P71.450 milyon, na may P794,063 para sa terminal benefits.
Ayon sa CoA, halos triple nito ang suweldo ng mga opisyal ng PhilHealth noong 2021 sa P26.2 milyon lamang.
Sa panahon ng House Committee on Appropriations budget deliberations para sa budget ng DoH sa 2024, tinanong ni Reyes ang mga opisyal ng PhilHealth batay sa kanilang triple na pagtaas sa suweldo noong nakaraang taon.
“It is ridiculous and reeks with callous lack of empathy that Philhealth thought it necessary to apply for a certification to increase their salaries and allowances threefold in the middle of a pandemic,” sabi ni Reyes.
Binanggit din ng mambabatas na ang PhilHealth,”cannot even provide a zero balance billing for its members despite millions collected in additional increases in premium contributions, billions of proceeds from their investments, and the multiple sources of funding provided for by several statutes enacted for the purpose.”
Bilang pagbibigay-katwiran sa pagtaas ng sahod, sinabi ni PhilHealth spokesperson Israel Pragas sa mambabatas na ang hakbang ay batay sa Executive Order 150 na inilabas ng Malacañang noong 2021 sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Reyes ang pagiging angkop ng pagtaas ng sahod ng mga executive ng PhilHealth dahil sa timing nito at pagkabigo ng Philhealth na tuparin nang sapat ang mandato nito.