Plano ng Department of Education na waldasin ang hanggang P9.4-M kada paaralan isasailalim sa paniniktik.
Nabatid kay Education Undersecretary Michael Poa na 16 public high schools sa National Capital Region (NCR) ang undersurveillance ng DepEd at ang P150-M confidential fund ng kagawaran ang gagastusin para sa naturang layunin.
Ipinagtanggol muli ng DepEd ang inihihirit nilang P150-milyon confidential fund para sa 2024.
“The Department has already comprehensively explained the need for confidential funds in the protection of learners, teaching and non-teaching personnel,” anang DepEd sa isang kalatas.
“We leave it to the wisdom of the members of Congress to decide on the matter.”
Walang tugon ang DepEd nang tanungin ni Sen. Risa Hontiveros kung sino ang magsasagawa ng paniniktik sa mga paaralan.
Nauna rito’y sinabi ng DepEd na ang P150-milyon confidential fund ay gagamitin upang mangolekta ng mga impormasyon hinggil sa illegal recruitment sa mga paaralan.
Sa ginanap na budget hearing sa Senado noong Lunes, inamin ni Poa na 16 public high schools sa Metro Manila ang aniya’y sangkot sa pagrerekluta ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA).
Ngunit hindi niya tinukoy ang pangalan ng mga paaralan.
Iginiit ni Poa, ang impornasyon kaugnay sa 16 public high schools ay “vetted” ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
“We cannot give the names of the schools due to the sensitive nature of the issue. The information was vetted by NICA,” sabi niya sa mga mamamahayag sa isang Viber message.
“We have no specific information at the moment as to when these activities started. This is an ongoing operation and we are getting as much information as we can,” dagdag niya.
Ani Poa, tinutugunan ng kagawaran ang usapin kasama ang mga kaukulang ahensya na nagkakasa ng “awareness programs” para sa mga estudyante.
Binigyan diin ni Poa, 12 porsiyento ng mga miyembro ng NPA na sumuko sa mga awtoridad mula 2016 hanggang 2022 ay may edad 12 hanggang 17, habang 5,000 menor-de-edad ay nasangkot sa illegal drug activities sa loob lamang ng isang taon, mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2023.