Tuluy-tuloy ang isinasagawang implementasyon ng Free Wi-Fi For All ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, upang tulungan na maikonekta ang mga mamamayan na nasa malalayo at liblib na lugar, partikular ang mga katutubong Mangyan o Indigenous People (IP) sa probinsya, inimplementa na ng mga kawani ng DICT Oriental Mindoro ang Free Wi-Fi For All sa Ecological Public Secondary School-Arigoy Extension sa bayan ng San Teodoro.
Bukod sa naturang paaralan, maaari nang maka-access ang mga estudyante mula sa elementary at secondary schools sa naturang lugar, gayundin ang mga mamamayan na nasa sityo ng Barangay Arigoy.
Inaasahan na ang implementasyon ng naturang programa ay makatutulong sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon ng mga katutubo. Inaasahan din na tutulong ito sa mga guro upang mas mapadali ang kanilang pagsasaliksik sa mga paksa na dapat ituro sa mga mag-aaral, gayundin ang pagpapasa ng mga kinakailangang reports ng mga ito.
Bahagi ang gawain ng mandato ng ahensiya na makatulong sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa bansa sa pamamagitan ng implementasyon ng maayos at naaayon na teknolohiya.
(PIA)