Dinakip ng National Bureau of Investigation ang isang lalaki na middleman umano sa mga nagbebenta at bumibili ng kidney online.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Huwebes, makikita ang pagsunggab ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Anti – Organized and Transnational Crime Division sa suspek na si John Anthony Gabriel matapos magkaabutan ng marked money.
Tumanggap umano si Gabriel ng P20,000 bilang downpayment.
Nasagip din ng NBI ang biktima na ni-recruit ni Gabriel para magbenta ng kaniyang kidney.
Ayon sa NBI, inalukan ng suspek ang biktima na ibenta ang kidney nito sa halagang P300,000, at P20,000 na finder’s fee.
Ayon sa biktima na isang call center agent, mayroon siyang matinding pangangailangan kaya kumapit na siya sa patalim.
Depensa ni Gabriel, hindi niya alam na bawal ang pagiging middleman sa kidney for sale at unang beses niya itong ginawa.
Ngunit pinabulaanan ito ng NBI, matapos makita ang marami nang transaksiyon ng suspek sa kaniyang cellphone.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act in relation to Cybercrime Prevention Act ang suspek.
Nakatakda ring magsagawa ng follow-up operation ang NBI para matukoy ang iba pang miyembro ng grupo ng suspek.
(GMA Integrated News)