Nagulat ang buong mundo noong 2020 sa bangis na dala ng Corona Virus o mas kilala sa tawag na COVID-19.
Nangyari ito mahigit isang taon pa lamang ako na-appoint bilang Undersecretary for Broadcast and Mass Media sa Presidential Communication and Operations Office (PCOO) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Natakot ang lahat, pero sa tulad kong dating reporter na nagkaroon ng posisyon sa pamahalaan at may tungkulin na dapat gampanan, kailangang maging matapang.
Nagpatawag ng meeting noong 14 Marso 2020 si noo’y Communications Secretary Martin Andanar sa government media para bumuo ng isang programa na tatalakay sa mga gagawing hakbang at pagbibigay impormasyon sa publiko kaugnay sa nakamamatay na sakit.
Isinilang ang LAGING HANDA Public Briefing kung saan maari magtanong ang lahat kasama na rin ang iba pang kapatid sa pamamahayag na naging limitado ang pagkilos dahil sa banta ng COVID 19.
Isa ito sa mga programa ng PCOO para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad at iba pang sakuna.
Mabilis ang mga pag uusap , mabilis na pag-iisip , pagkilos at paglalatag para sa sisimulang programa.
Kami ni Sec Martin ang naging hosts ng LAGING HANDA Public Briefing na nagsimulang ipalabas sa state-run PTV-4 at iba pang government social media platforms noong 16 Marso 2020.
Limitado ang kilos, kaunti lang dapat ang tao sa studio kasama na ang guests at studio crew.
Alinsunod na rin ito sa patakaran ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para huwag kumalat ang sakit na hindi pa alam kung paano gamutin at wala pang kaukulang bakuna.
Nakakatakot talaga.
Ngunit mas natakot ang marami sa salitang LOCKDOWN, ‘yun mga pangyayari at eksena na sa pelikula ko lang nakita, Personal Protective Equipment o PPE na suot ng health workers, face masks at palagiang pag-spray ng alcohol.
Dahil sa ipinatupad na lockdown ng gobyerno , work from home ang marami.
Nag-live broadcast ang LAGING HANDA sa PTV gamit ang internet mula sa aming mga bahay, nag-interview ng guests via zoom just to make sure na updated ang tao sa mga pangyayari lalo pa’t ito ang kauna-unahang pagkakataon na makaranas tayong lahat ng matinding banta ng sakit o pandemya.
Walang tigil ang mensahe sa telepono ko , tanong ng tao, anong gagawin, gayundin ang mga katanungan ng media para sa resource persons ng LAGING HANDA Public briefing.
Hindi ko na rin halos maramdaman ang takot at pagod dahil maraming gustong malaman ang lahat kaugnay ng sakit .
Muntik ko na ngang malimutan ang sarili kong kaligtasan, at nang mahimasmasan, ang tanong ko,
MAKAKALIGTAS KAYA AKO SA COVID ? PAANO AT KAILAN ITO MATATAPOS? BABALIK PA KAYA SA NORMAL ANG LAHAT?
SANA MAGKAROON NA NG BAKUNA.
May mga report kaming natanggap na marami ang nakararanas ng depression at anxiety dahil sa lockdown na dala ni COVID-19.
Nagkaroon kami ng panauhin na isang magaling na psychiatrist para kahit paano matulungan ang mga taong dumaranas ng matinding lungkot at takot .
Habang isinasagawa ko ang interview sa kanya, naramdaman ko na parang kailangan ko rin ng payo .. halos naiyak ako sa pagtatanong ko.
Hindi ko kasi makalimutan ang mga eksena ‘pag sumisilip ako sa bintana ng aking apartment sa gabi , walang tao , walang sasakyan, wala kang marinig maliban sa nakikita mong bukas na ilaw ng mga kapitbahay.
Ayoko rin manood ng TV kasi halos lahat ng matutunghayan ay tungkol sa COVID-19.
Payo ng psychiatrist, gawin mo ang mga bagay na malilibang ka kahit paano.
Therapeutic sa akin ang baking pero mahirap din bumili ng mga sangkap na gagamitin sa pagluluto.
So sumabay na lang ako sa marami sa pagiging Plantita ..gumaan sa pakiramdam at marasap tingnan sa mata ang mga halaman ko sa paso.
Ang mga halaman ang nagpasaya sa akin at nagbalik ng aking sigla at pagpapahalaga sa buhay.