Walang dahilan para magdiwang ang Taguig City sa desisyon ng Korte Suprema na ipinagkaloob sa kanila ang 10 enlisted men’s barrios (EMBOs) na dating sakop ng Makati City, at maging ang pagmamay-ari nila ng pamosong Bonifacio Global City (BGC).
“Actually, yung ating mga oldest map na hawak-hawak ay talagang maliwanag naman na ang jurisdiction po talaga kahit nung BGC ay nasa loob ng bayan ng Pateros, yun ang paliwanag sa mapa na hawak-hawak namin nagtaka nga lang kami bakit nung mag-evolve ang mapang ito unti-unti ay nabago eh,” sabi ni Pateros Mayor Fernando Miguel “Ike” Ponce sa panayam sa programang “Hot Patatas” sa Daily Tribune Facebook page at Tribune Now Youtube channel kanina.
Ipinaliwanag ni Ponce na may hawak na matibay na ebidensya na ang 10 barangay na tinaguriang EMBOs ay nasa loob ng Pateros.
Aabot din aniya hanggang sa paanan ng tulay ng Gudalupe ang boundary ng Pateros.
“Actually, lahat po EMBO’s. Dahil meron din kaming proof o meron kaming hawak-hawak na ebidensya na ang boundary po namin before ay hanggang sa may paanan ng tulay ng Guadalupe. Masasakop po talaga yon,” dagdag niya.
Inilahad ng alkalde na ang orihinal na sukat ng Pateros noong 1800 ay 1,040 ektarya at makikita ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
“Ang Pateros po originally since 1800 hanggang sa ngayon kapag tinignan nyo po ang actual na aming recorded size in terms of hectares ay 1,040 hectares actually even if you go to PSA right now sa Philippine Statistics Authority ang ibibigay po sa inyong certification ng PSA ay 1,040 hectares ang Pateros,” ani Ponce.
“If we will go through history from 1800 up to the present ang makikita ‘nyo lang po na document that will show the actual area of Pateros ang pinakamaliit po 983 hectares so from 1,040 hectares nag-flactuate po yan pero ang pinakamaliit na makikita nyo po na area namin ay yung 843 hectares so ibig sabihin a little less than 1,000 pa rin if you would believe it ang area po namin ngayon ay 168 hectares lamang,” wika niya.
Isinalaysay ng alkalde na kaya lumiit sa 168 ektarya mula sa orihinal nitong sukat na 1,040 ektarya ay dahil ginawa itong military reservation at dito nag-umpisangsakupin ng Taguig ang lupain ng Pateros.
Ngunit nang inalis na ang military reservation, hindi naibalik sa tamang may-ari (Pateros) ang lupain.
“Ang sinasabi nga namin hindi naman basta pwede mag-magic yan na ang Pateros from 1,040 hectares naging 168 hectares kahit ang totoo po kung ito ay ginawang military reservation doon po nagsimula yung pagkuha ng share ng property ng belonging to Taguig belonging to Pateros kaya lang nung inalis na ang reservation diyan ay hindi naman naisoli doon sa tamang may-ari nung mga property,” sabi ni Ponce.
Iginiit ng Pateros mayor na ang dapat nagsauli ay ang Armed Forces of the Philippines (AFP), bilang gumamit bilang military reservation at ang Office of the President (OP) bilang kinatawan ng national government.
“Opo (AFP), totoo po yun at saka kasama na rin po siguro ang ating national government na nirerepresenta ng Office of the President,” aniya.
“Ganito po, sometime during the time of President Ferdinand Marcos Sr. nagkaroon po ng presidential proclamation na ito po ay kasama sa pinagtatalunan at pinapawalang bisa ito na in-open niya for public disposition yun pong mga area na covered ng military reservation but mistakenly and incidentally there was a mention in proclamation that this property is with municipality of Makati. So both Pateros and Taguig ay pinapanulify po yung presidential proclamation na ‘yun,” sabi ni Ponce.
Nabatid na noong Enero 1986, nilagdaan ni noo’y Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Proclamation No. 2475 na nagsasaad na ang Fort Bonifacio “ is situated in Makati and it is open for disposition.”
Dahil sa naturang proklamasyon umusbong ang boundary dispute kaya’t humiling ang Pateros ng isang dayalogo sa noo’y Municipal Council ng Makati sa 1990.
Iginiit umano ng municipal government ng Pateros na ang orihinal nitong land area ay hindi 2.10 km2 (0.81 sq mi) bagkus ay 1,040 ektarya (10.4 km2) kasama ang Fort Bonifacio, partikular ang Embo barangays gaya ng Comembo, Pembo, East Rembo, West Rembo, Cembo, South Cembo, Pitogo, at Rizal na naging bahagi ng Makati at Bonifacio Global City (kilala bilang Post Proper Northside at Post Proper Southside ng Makati, at Mamancat, Masilang,San Nicolas,at Malapadnabato,dating mga bahagi ng Pateros) na naging parte ng Taguig, batay sa mga dokumento at official maps na nakuha ni dating Pateros Councilor Dominador Rosales mula sa 30 libraries at tanggapan, kabilang ang USA Library of Congress at USA Archives.
Isa sa mga naturang mapa ay ang 1968 Land Classification Map of the Bureau of Land.
Sa kasalukuyan ay nakatutok si Ponce sa kasong Pateros vs. Taguig na nasa Korte Suprema at umaasang maibalik sa kanila ang nawalag teritoryo.
“Dahil inaward na nga po sa Taguig at nawala na ang Makati sa isyu kami po ay nakaconcentrate ngayon sa laban against Taguig.”
“Buhay na buhay yung kaso natin nag-file ng motion for reconsideration ang Taguig kaya hinihintay po namin ang resolution dito pero I believe wala na rin po mangyayari sa motion for reconsideration ng Taguig dahil yung kanilang ni-raise na argument ay mga rehash lang naman,” pagtatapos ng alkalde.