Hindi na sorpresa ang pagkaka talaga kay Tim Cone bilang head coach ng GIlas Pilipinas para pumalit sa puwesto ni Vincent “Chot” Reyes.
Bukod sa hindi na mahihirapan sa sistema ang mga players kay Cone, higit na mas maganda rin ang resume ng coach na nakakuha ng pinakamaraming kampeonato sa Philippine Basketball Association.
Siya ang ang bukod tanging coach sa PBA history na nagawang manalo ng grand slam ng dalawang beses at siya rin ang pinakamaraming nakolektang tropeo na may 25 kampeonato.
Wala nang mas lalapit pa sa Amerikanong coach na lumaki sa Pilipinas at hindi nahirapang yakapin ang kulturang Pinoy.
Pagdating naman sa international competitions, hindi rin magpapahuli si Cone dahil nagawa niyang giyahan na manalo ng gintong medalya ang Pilipinas noong 2019 Southeast Asian Games.
Gintong medalya rin ang naialay ni Cone ng kanyang pangunahan ang kampanya ng Centennial Team sa William Jones Cup noong 1998.
Hindi rin bago kay Cone na mag-coach sa Asian Games dahil ang team na kanyang hinawakan ang kahuhuli-hulihang naguwi ng medalya sa bansa kung saan nakabingwit ng bronze medal ang Centennial squad sa 1998 edition sa Bangkok.
Sa kanyang pagbabalik bilang head coach, kailangan munang pag-aralan itong mabuti ni Cone dahil nanggaling siya sa sensitibong sitwasyon.
Assistant coach si Cone ni Reyes, na nagbitiw sa kanyang tungkulin bilang head coach matapos ang sunud-sunod na batikos sa kanya ng mga netizens.
Nagpahayag si Cone ng suporta kay Reyes kaya naman kasama rin siyang nagbitiw sa tungkulin ng umalis ang kapwa beteranong mentor sa koponan.
Pero dahil sa kinailangan ng pagkakataon ngayong halos dalawang Linggo na lang ang nalalabi bago sumabak muli ang koponan sa isang premyadong torneo, ang coach na katulad ni Cone ang mas kinakakailangang humawak sa Gilas.
Bago rito, siniguro ni Cone na buo ang suporta ng koponan, kabilang na ang dating coach na si Reyes.
Hahalili kay Cone ang kanyang matagal nang assistant coach na si Richard del Rosario.
Pero dahil sa kakulangan sa oras, malamang na ang ilan pa rin sa sistema na ginagawa ni Reyes ang siya pa ring gagamitin ni Cone.
Pero dahil sa mga kaganapan, magkakaroon rin ng pagbabago sa pamunuan ng pagpapalakad ng koponan kung saan naitalagang team manager si Alfrancis Chua, board governor ng Barangay Ginebra.
Tapos na ang drama at inaasahan nating puspusan ang magiging paghahanda mula ngayon hanggang sa susunod na dalawang Linggo.