Timbog ang dalawang Indian national matapos nilang holdapin umano ang kapwa nila Indian at ang stepmother nitong Pinoy sa Quezon City.
Ang mga suspek, nakunan pa ng mga baril at isang granada.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, makikitang napasugod ang ilang Indian national sa police station matapos madakip ang mga suspek, na sangkot din sa iba pang insidente ng panghoholdap.
Tumulong ang ilang Indian national na kuyugin ang suspek na kinilalang si Dewinder Dhaliwal sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Nadakip naman sa follow-up operation ng pulisya sa Fairview ang kaniyang kasabwat umanong si Manjeet Hansra.
Lumabas sa imbestigasyon na magkaangkas sa motor ang isa pang Indian at stepmother niyang Pinoy para maningil ng pautang, ngunit hinarang sila ng mga suspek at tinutukan ng baril.
Nagtamo rin ng gasgas ang motorsiklo ng mga biktima matapos banggain ng mga salarin.
Maliban sa mga biktima, may iba pang nabiktima ang mga suspek nitong mga nakaraang linggo.
Umamin si Dhaliwal na nangho-holdap ang kanialng grupo, ngunit itinanggi ng mga suspek na may nakuha sa kanilang mga baril at granada.
Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa nakatakas na lider ng grupo.
Mahaharap ang mga suspek sa mga reklamong robbery, paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code at Illegal Possession of Explosives.
(GMA)