Hindi dapat manghiram ng tapang sa baril.
Ito ang payo ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales, na kumasa ng baril sa isang insidenteng “road rage” noong 8 Agosto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni Padilla na nalungkot siya sa ginawa ni Gonzales dahil apektado ang mga responsableng gun owners.
“Kasi ang baril pwede ‘yang depensa ‘yan at saka sa sport. Hindi ‘yan pang-opensa. Hindi ‘yan isang bagay na parang nakainom lang ng gin ang tapang mo na pag may baril ka,” aniya.
Bumilib din si Padilla sa siklistang si Allan Bandiola na naisip na proteksyunan ang pamilya, bagama’t iginiit niya na sana hindi na maulit ang nangyari.
Hindi rin katanggap-tanggap sa senador ang sinabi ni Gonzales na kumasa siya ng baril dahil para hindi siya sugurin ni Bandiola.
“Hindi ko matatanggap. Kasi gun owner tayo, responsible, bawal ‘yan. Hindi mo dapat nilalabas ‘yan. Pasensya na ayoko magtaas ng boses dahil nakatatanda kayo pero hindi ako papayag na tatanggapin natin ‘yan mga gun owner ‘pag ganyan kakasa ng baril, huwag naman po,” aniya.
Dagdag ng mambabatas, hindi wasto ang ganitong asal dahil dapat responsable siya bilang gun owner. “Tapos na ang panahon ni Jesse James,” aniya.