TINULDUKAN na ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang misteryo sa likod ng kanyang pakikipagpulong kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing mahigit isang buwan na ang nakalipas.
Isiniwalat ni Duterte na pinakiusapan niya si Xi na huwag idamay ang Pilipinas sa sigalot sa Estados Unidos.
“I humbly told Pres. Xi Jinping, we are not a party in this large conflict between you and the United States,” ani Duterte sa panayam sa SMNI.
Giit niya, kahit kaalyado ng Pilipinas ang US, hindi ibig sabihin ay kailangan samahan natin sila sa pakikidigma sa ibang bansa.
“While we are allied with the US , it does not go beyond starting a war with another country,” dagdag niya.
Ani Duterte, kung pangulo pa siya ng bansa , hindi niya pahihintulutan ang Pilipinas na masangkot sa isang giyera na wala itong kinalaman at hindi nagsisilbi sa ating interes.
“I would like to say that, as if I were president, I would not allow my country to be embroiled in a war that is not our won making and of which we have no interest,” paliwanag ni Duterte.
Matatandaan, binulaga ni Duterte ang buong bansa nang bigla na lamang lumabas ang kanyang larawan na kaharap si Xi sa isang pulong sa Beijing, isang araw bago ilabas ng International Criminal Court (ICC) ang desisyon na ituloy ang pagsisiyasat sa mga patayang naganap sa madugong Duterte drug war.