Isang babaeng teenager ang nasawi habang sugatan naman ang nakababatang kapatid nito matapos silang mabagsakan ng isang malaking bato sa kanilang bahay sa Dumangas, Iloilo.
Base sa mga paunang ulat, naghuhugas umano ng pinggan sa kanilang kusina ang 19-anyos na babae nang biglang bumagsak at bato nadaganan siya. Nasugatan naman ang kaniyang 10 taong gulang na kapatid ng babae matapos matamaan ng mas maliliit na bato.
Dagdag pa ng pulisya, sinabi ng nasugatang menor de edad na may narinig sila na parang nahuhulog na mga maliliit na bato kaya lumabas ng bahay ang iba pa nilang kapatid pero naiwan sa loob ang kanilang ate na naghuhugas ng pinggan.
Inabot nang limang oras at kinailangan pang gumamit ng backhoe para makuha ang katawan ng nasawing babae.
Inaalam pa kung ano ang sanhi ng rockslide.