Mga laro sa Miyerkules
10 a.m. – St. Benilde vs Mapua (women’s)
12 noon – Perpetual Help vs Enderun (women’s)
2 p.m. – La Salle vs National U (men’s)
4 p.m. – Perpetual Help vs Ateneo (men’s)
Nalagpasan ng University of Santo Tomas ang matinding pagsubok na ibinigay ng Far Eastern University at maisalba ang 25-22, 26-24, 20-25, 25-18 panalo, sapat para umabante sa semifinals ng V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena sa Maynila nitong Linggo.
Ang mga Golden Spikers ay sumandal sa kanilang transition plays para malagpasan ang matinding hamon ng Tamaraws sa unang dalawang sets, bago nagawang makuha ang tamang timpla ng kanilang laro.
Sinelyuhan naman ni Josh Ybañez ang matikas na laro ng koponan sa kanyang naiambag na 29 attacks at makagawa rin ng 33 puntos.
Sinuportahan siya ni Rainier Flor, ang solidong panggitna ng UST, na may 14 puntos, kabilang na ang 11 spikes at tatlong kill blocks.
“I think our digging and blocking worked today, which is our focus in training,” ang sabi ni UST mentor Odjie Mamon matapos makuha ang panalo.
Dahil dito, mataas ang morale ng UST papasok sa kanilang sagupaan sa wala pang talong Ateneo Blue Eagles sa Linggo.