Iniulat ng Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Linggo na dalawang katao na ang nasawi dahil sa epekto ng habagat na pinalakas pa ng Bagyong Goring at Hanna.
Sinabi ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas na ang mga nasawi ay kasalukuyang bina-validate na at nagmula sa Cordillera Administrative Region at Western Visayas at ayon pa sa kanya, nasa mahigit 418,000 indibidwal sa ibat ibang bahagi ng bansa ang apektado dahil sa sama ng panahon.
Dagdag pa niya, nasa 114,000 pamilya mula sa 1,469 barangays ang apektado.
Pero nilinaw naman ni Posadas na ang mga apektadong indibidwal ay pinagsama na sa epekto ng Goring, Hanna at Habagat.
Sa tala ng NDRRMC, nasa 21,700 katao o katumbas ng 5,100 pamilya ang nananatili sa 272 evacuation centers habang 30,000 katao o 7,400 pamilya ang piniling manatili sa ibang lugar o sa kanilang mga kamag-anak.
Ayon kay Posadas, tumaas ang bilang ng mga bahay na nasira na kasalukuyang nasa 501 kung saan 96 dito ang totatally damage habang ang 405 ay partially damaged mula sa CAR, Region 1, 2, Calabarzon, Mimaropa, at Region 6.
Samantala, pumalo sa halos P900 milyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa habagat at sinabi ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction Management Operations Center na halos dumoble ang bilang matapos makuha ang mga update mula sa Cagayan Valley at Western Visayas.
Noong Biyernes, iniulat ng DA na nasa P504.4 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Ang bigas ay umabot sa 83.6 porsyento ng pinsala at pagkalugi habang hindi naman bababa sa 34,457 na magsasaka at 34,979 ektarya ng lupang pang-agrikultura ang naapektuhan.
Sinabi rin ng DA na P100 milyong halaga ng palay, mais at sari-saring buto ng gulay gayundin ang mga gamot at biologic para sa mga alagang hayop at manok ang ibibigay sa mga apektadong magsasaka.
Ang mga magsasaka ay maaari ding mag-avail ng loan ng hanggang P25,000 payable sa loob ng tatlong taon na walang interes sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council.
Sinabi ng kagawaran na sila ay nakikipag-ugnayan sa pamahalaan at sa local government units at iba pang tanggapan na may kaugnayan sa DRRM para sa karagdagang mga interventions at assistance.