Nababahala umano si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga naitatalang insidente ng karahasan na sangkot ang ilang miyembro ng kapulisan gaya nang mga insidente ng road rage at abuse of police power.
Ayon kay Dela Rosa, sobra umano ang puwersang ginamit ng anim na pulis ng Navotas na “nagpanic-fired” sa isang ilog sa pagtugis sa isang suspek sa pamamaril at ang nasabing operasyon ay humantong sa pagkamatay ni Jerhode Baltazar sa kaso ng mistaken identity.
Sinabi rin ng senador na ang pagkamatay ni Baltazar ang nagtulak sa kanya na manguna sa imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ng binatilyo.
Hinihimok rin niya ang pulisya na ibalik ang paggamit ng mga batuta at pito lalo na sa mga trigger-happy na pulis.
Sa isa pang insidente na kinasasangkutan ng isang pulis, nagpahayag si Dela Rosa ng pag-asa na ang dinismiss na pulis na si Wilfredo Gonzales — na nakunan ng video na hinahampas ang ulo ng hindi pa nakikilalang siklista at hinugot ang kanyang baril sa Quezon City noong nakaraang buwan — ay dadalo sa pagdinig ng Senate public order committee kaugnay sa nsidente ng road rage.
Ipatatawag ng Senado si Gonzales kapag hindi siya nakadalo.
Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya si Dela Rosa kay Mandaluyong police chief Col. Cesar Cerente na nagpositibo na gumagamit ng droga.