Buhay pa ang pag-asa ng Gilas Pilipinas na makapasok sa Paris Olympics men’s basketball tournament, pero kinakailangang dumaan sa butas ng karayom ng ating pambansang koponan kabilang ang iba pang naghahangad na mapabilang sa pinakaprestihiyosong multi-sports event sa buong mundo.
Kumikikig pa ang pag-asa ng bansa matapos magawang maipanalo ang huling asignatura sa FIBA World Cup at tambakan ang China, 96-75, nitong Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil sa panalo, tinapos ng Pilipinas ang kampanya sa FIBA World Cup sa 24th place at makakuha ng silya para sa Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Hulyo ng susunod na taon.
May mga pre-Olympic Qualifying Tournaments na ginawa sa nakalipas na buwan kung saan limang koponan ang pumasok sa OQT – ang Bahamas, Bahrain, Cameroon, Croatia at Poland.
Ang 24th place ay maituturing na malaking improvement sa nakaraang FIBA World Cup apat na taon na ang nakakalipas. Noong 2019, tumapos ang Pilipinas sa 32nd place kung saan wala silang naiuwing panalo sa limang laro.
Sa katatapos na kampanya ng Gilas, masayang ibinahagi ni Al Panlilio, presidente ng Gilas Pilipinas, ang nagawang improvements ng ating pambansang koponan, kabilang na dito ang pagpasok natin sa OQT.
“Overall, our World Cup record is now 14-31 in the seven events we participated in,” pahayag ni Panlilio. “We set a lot of records this year.”
Bagamat wala pang linaw sa kinabukasan ng Gilas matapos magbitiw sa puwesto si head coach Chot Reyes, ang OQT ang tanging natitirang paraan ng koponan para makapasok sa Olympics.
“I don’t know about the OQT. I don’t know if I’m still going to be here for that,” pahagag ni Reyes sa post-game interview matapos talunin ng Pilipinas angf China. “I might have coached my last game already as Gilas Pilipinas coach.”
Wala pang ibang koponan na galing sa Pilipinas ang nakapaglaro sa Olympics simula nang huling sumabak ang national team sa Munich Games noong 1972.
Ang huling koponan na naglaro sa Pilipinas mahigit limang dekada na ang nakakaraan ay kinabibilangan ng mga dating star players na sina William Adornado, Freddie Webb, Adriano Papa, Ed Ocampo at Narciso Bernardo.
Ang OQT ay ginawa na sa bansa noong 2016 matapos mabigo ang Pilipinas na makaabante ng direkta sa sa Olympics. Kinapos ang mga Pinoy ballers noong 2015 FIBA Asia Cup at nagawang makuntento sa silver medal.
Noong 2021, sumabak rin muli ang Pilipinas sa OQT kung saan mga batang players ang namuno sa koponan na kinabibilangan nina Dwight Ramos, Kai Sotto, SJ Belangel at naturalized player Ange Kouame, peor hindi nila nagawang umabante sa Olympics.