Hustiya ang panawagan ngayon ng ina ng isang limang taong gulang na batang lalaki na nasawi dahil umano sa pambubugbog ng kaniyang amain sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa mga paunang ulat, binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang dinala roon ng mismong suspek. Sinabi naman ng ina ng biktima na nalaman na lamang niyang nasa ospital na ang anak nang umuwi siya sa kanilang bahay noong Martes ng hapon.
Binawian ng buhay ang bata kinabukasan.
Lumabas sa death certificate na namuong dugo sa ulo ang sanhi ng pagkamatay nito.
Kuwento ng ina ng bata, nagtaka siya dahil malakas ang kanyang anak noong umalis siya nang umaga at iwanan ito sa suspek. Inihayag rin niya na nagkaroon umano sila ng pagtatalo ng kanyang kinakasama bago siya umalis.
Sa burol ng bata, nagsumbong ang mga nakatatandang kapatid nito, edad 7 at 8 at ayon sa kanila, nagalit umano ang kanilang amain at binugbog ang biktimang pinalo pa umano nito ng bote ng softdrink sa ulo pagkaalis ng kanilang ina.
Nang mawalan ng malay ang paslit, ang suspek din ang nagdala rito sa ospital.
Dagdag ng mga bata, maging sila ay nakakaranas ng pambubugbog ng kanilang ama-amahan sa tuwing umaalis ang kanilang nanay.
Dumulog sa pulisya ang nanay at ipinagharap ng reklamo ang nagtatago nang suspek.
Sabi ng ginang, hindi agad siya nakalapit sa pulisya dahil hinintay pa niya ang resulta ng otopsiya sa biktima.
Ayon naman sa San Pedro police, sasampahan nila ng reklamong homicide at physical injuries ang suspek.