Walang kuwenta ang ipinagmamalaking bagong 10-dash line map ng China para kamkamin ang halos kabuuan ng South China Sea, ayon kay political analyst at UST Political Science professor Marlon Villarin.
Sinuportahan aniya ng isa sa pinakamatandang mapa sa buong mundo, ang Velarde map, ang territorial claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea at isa rin sa naging batayan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) nang paboran ang Pilipinas sa makasaysayang 2016 arbitral ruling.
“Eh mukhang lumalabas, parang peke (nine-dash line) kaya talagang napakalaki ng tulong no’ng tinatawag nating one of the oldest map that really says that it is part of our territory (WPS), the Velarde map,” ayon kay Villarin sa programang “Hot Patatas” sa Daily Tribune Facebook page at Youtube channel kahapon.
Batay sa pag-aaral na may titulong” A Hydrographical and Chorographical Chart of the Philippine Islands” na inilathala sa loc.gov, “This magnificent map of the Philippine archipelago, drawn by the Jesuit Father Pedro Murillo Velarde (1696–1753) and published in Manila in 1734, is the first and most important scientific map of the Philippines.”
Sinabi sa “Mapa de Las Yslas Philipinas Hecho Por el Pe. Pedro Murillo Velarde de Compa. de Jesus”
“The Murillo Velarde maps have been instrumental in Philippine efforts to assert territorial rights over parts of the South China Sea. The maps, along with 270 others, were used in international arbitration to refute China’s claim of historic suzerainty over the entire South China Sea.”
Nauna rito’y sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año na
hindi kinikilala ng Pilipinas ang 10-dash line o maging ang nine-dash line ng China.
Ang bagong mapa ay nagsasaad ng 10 dashes na bumubuo ng korteng U para maipakita na ang buong South China Sea ay umano’y bahagi ng kanilang teritoryo.
Giit ni Año, pinal at may bisa ang arbitral award na ipinagkaloob ng Permanent Court of Arbitration ng The Hague noong 2016 na nagpawalang bisa sa nine-dash line claim ng China.
Nagbibigay aniya ito sa Pilipinas ng “maritime entitlement, extended economic zone, territorial waters and even our extended continental shelf.”
Ayon kay Año, hindi naman nag-iiisa ang Pilipinas sa pagbasura sa 10-dash line dahil maging ang India at Malaysia ay nagpahayag din ng pagtutol sa mapa, at mas maraming bansa ang maghahayag ng kanilang oposisyon sa bagong mapa ng China.
Tiniyak niya na ang Armed Forces of the Philippines (AFP), ang unipormadong puwersa, at ang ating pamahalaan ay gagawin ang lahat sa abot ng makakaya para bigyan proteksyon ang ating pambansang interes.