UMARAY ang rice traders sa pagpataw ng price cap sa mga presyo ng bigas kaya ang hirit ng Department of Trade and Industry sa kanila, isakripisyo at unahin ang kapakanan ng karamihan sa mga Pilipino.
Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 39, na naglagay rice prioce cap para sa regular milled rice sa P41.00 kada kilo at P45 kada kilo para sa well-milled rice.
Hinihingi ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga retailer na tumulong din sila sa mga mamamayan, sa nakakarami, ayon kay DTI Assistant Secretary Agaton Uvero sa isang Presidential Communications (PCO)-sponsored news forum kahapon.
Batay sa computation ng DTI , puwede naman mabenta na hindi naman lugi pero wala lang kita.
Aniya, ang price cap, na nakatakdang magkabisa sa Setyembre 5, ay hindi inaasahang tatagal dahil pansamantalang solusyon lamang ito sa paglobo ng presyo ng bigas, na ayon sa kanya ay ginagawa ng mga hoarder.
Ang presyo aniya ay sobra-sobra at pambihira May nakikitang hoarding, profiteering, at manipulasyon sa presyo na nangyayari ngayon kaya’t dapat imbestigahan ito, at dapat suriin ang mga bodega.