Nabahala si Raul Montemayor, presidente ng Federation of Free Farmers sa rice price cap na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa bisa ng Executive Order 39 dahil magiging dahilan ito ng pagbaba ng presyo ng palay.
Sinabi niya na ang mga magsasaka mula sa Pampanga at Sultan Kudarat ay nag-ulat na ng P3 kada kilo na pagbaba sa presyo ng palay.
“Lalong bababa ang presyo ng palay. So, kung kailan natin kailangan ng mas malaking production at maeengganyo ang mga magsasaka na magtanim — parang mali naman ang mensahe na ipinapalabas ng EO,” sabi niya.
Ang pagbaba aniya ng presyo ng palay ay maaaring tumaas hanggang 20 sentimos sa isang araw.
“Dapat pag-isipan ng gobyerno ang mga epekto ng EO 39 sa mga magsasaka,” giit ni Montemayor
Sa kabilang banda, nagpahayag ng kahandaan ang grupo ng mga mangangalakal ng bigas na Philippine Rice Industry Stakeholders Movement na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa gobyerno para mabigyan ang mga mamimili ng abot-kaya at de-kalidad na bigas sa gitna ng pagpapalabas ng EO.
Ayon kay PRISM lead convenor Rowena Sadicon, sa kabila nito’y patuloy pa rin silang nakikiusap, at nakikipag-usap pamahalaan.
Ang gusto aniya ng kanilang grupo ay magkaroon ng maayos na bigas sa ating pamilihan, na mabigyan natin ng tamang presyo, batay sa hinihiling sa kanila
“Maaari pong hindi maintindihan ng lahat sa simula pero eventually po sa sama-samang pagtutulungan ng ating mga kasamahan sa industriya ng bigas ay mapapagtagumpayan din po ang lahat ng ito at maihain po natin sa ating mga consumer ang ating murang bigas, na ito po ang layunin ng ating Pangulo,” dagdag niya.
Bagama’t ang ilang mga stakeholder sa industriya ay hindi tanggap ang EO noong una, sinabi ni Sadicon na alam nila na prerogative ng Pangulo na maglabas ng naturang direktiba, dahil umaasa siyang mauunawaan ng mga miyembro ng PRISM ang posisyon ng punong ehekutibo.
“Ito po ay sana po masundan po ng ating mga stakeholders at maintindihan din nila. Maraming salamat po sa pagkakataong ito na pinakinggan n’yo rin kami at mapakinggan din po namin kung ano ang dahilan ng ating Presidente sa pagbibigay ng executive order na ito. At andito po ang PRISM na patuloy na tutulong sa inyo,” sabi niya.
Sinabi rin ng PRISM lead convenor na umaasa siyang maging normal sa mga susunod na araw, partikular sa pagsisimula ng panahon ng ani ng palay, na magpapatatag sa presyo ng bigas sa bansa.
Nauna nang sinabi ng DTI na makikilos ito sa kanilang mga price monitor at makikipagtulungan nang malapit sa Department of Agriculture (DA), iba pang pambansang ahensya, at mga lokal na punong ehekutibo upang i-activate ang kanilang Local Price Coordinating Councils para epektibong maipatupad ang mandated price caps sa bigas.
“Kinikilala natin ang pangangailangang matugunan ang tumataas na presyo ng bigas sa merkado. Kasabay nito, kinakailangang mapanatili ang mahigpit na pagbabantay sa pagpepresyo at supply ng bigas upang maiwasan ang anumang potensyal na pag-iimbak at pagmamanipula ng presyo ng mga mangangalakal at retailer,” sabi ni DTI Secretary Fred Pascual.
“Upang palakasin ang ating monitoring at enforcement mechanisms, ang DTI ay magpapakilos sa kanilang price monitors at makikipag-ugnayan sa Local Government Units para i-activate ang kanilang Local Price Coordinating Councils,” idinagdag niya, na binibigyang-diin na ang price caps ay hindi ilalapat sa espesyal at premium na bigas.