Pinagpapaliwanag ng Korte Suprema ang 12 ahensya ng pamahalaan ukol sa Manila Bay, kabilang ang update sa mga reclamation project sa paligid nito.
Sa isang kalatas ng Korte Suprema, inuutusan nito ang labindalawang (12) ahensya na magsumite ng ulat sa katapusan ng buwan na naglalaman ng mga proyekto kung pano isasagawa ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ang mga ahensya na inilista ng Korte Suprema ay ang mga sumusunod: Metropolitan Development Authority (MMDA), Departments of Health (DOH), Education (DepEd), Agriculture (DA), Public Works and Highways (DPWH), Interior and Local Government (DILG), Environmental and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police Maritime Group, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kabilang sa mga hinihingi ng Korte Suprema ay ang pagsukat sa iba’t-ibang polusyon sa Manila Bay, ang mga ‘target goals’ na nais maatim sa susunod na limang taon, at ang pag-iimbestiga sa mga kasalukuyang reclamation projects at kung paano ito nakakaapekto sa kasalukuyang lebel ng polusyon ng Manila Bay.
Matatandaang noong Agosto 9 ay sinuspinde ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga reclamation project sa kahabaan ng Manila Bay maliban sa isa na tapos na umanong ma-review.
Nauna nang binabala ni Senate Committee on Environment and Natural Resources chairperson Cynthia Villar na kapag nagpatuloy ang mga reclamation projects ay magdudulot ito ng mula anim hanggang walong talampakan na pagbaha sa Las Piñas at iba pang karatig na lugar.
Para naman kay Philippine Chamber of Commerce and Industry President George Barcelon, ang pagsususpinde ng reclamation projects ng pamahalaan ay magdudulot ng ‘pagkabahala’ sa mga foreign investors.
“In the business world, a contract should be honored. If they (investors) see this, they would be concerned and they might step back. That is a concern,” giit ni Barcelon sa isang interview sa Business Mirror.