Tameme si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Dr. Lorraine Marie T. Badoy sa ginanap na pre-trial hearing sa Professional Regulation Commission (PRC) Board of Medicine kaugnay sa reklamong inihain sa komisyon dahil sa kanyang malisyosong pahayag laban kay Dr. .Ma. Natividad “Naty” Castro, isang lisensyadong manggagamot at community medical practitioner.
Tinawag kasi dati ni Badoy si Castro na aktibong miyembro, recruiter, trainer at fundraiser ng CPP-NPA-NDF sa kanyang programa sa SMNI na pagmamay-ari ni accused child sex trafficker at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
“Hindi, kasi mga lawyer na nagsasalita sa pre-trial eh. Hindi siya nagsalita ng kahit na ano,” sagot ni Atty. Tony Lavinia, abogado ng mga complainant, sa tanong kung ano ang naging pahayag ni Badoy sa unang pre-trial hearing.
Si Lavinia ang abogado ng mga complainant na sina Drs. Eleanor Jara, Edelina dela Paz, at Jamie Dasmarinas.
Ani Lavinia, nanindigan sila na mali ang ginawang red-tagging ni Badoy kay Castro , hindi naaayon sa medical ethics at sa kanyang responsibilidad bilang doktotr at inilagay niya sa panganib ang buhay ng kapwa niya medical workers.
Sinabi ni Lavinia, “One month from now saka lalabas ang order, few weeks after that, set ang trial.”
Noong Enero 2023 ay arbitraryong binansagan ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Castro bilang isang ‘teroristang indibidwal’ kahit pa ang doktora ay isang community health worker at dating human rights worker.
Batay sa ulat si Castro ay tumulong sa pagtatayo ng mga community health center sa Mindanao, at naaresto noong 2022 sa kanilang tahanan sa San Juan City sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention na isinampa sa Agusan del Sur.
Bago pa man siya arestuhin, na-red-tag si Castro para sa kanyang adbokasiya sa karapatang pantao.
Bukod sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap, nagsilbi rin siyang secretary general ng human rights group na Karapatan sa rehiyon ng Caraga.
Ang dating National Security Adviser na si Clarita Carlos, na vice chairperson ng ATC noong panahong iyon, ay walang pirma na nakakabit sa dokumento.