Ihihinto na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapadala sa China ng matataas na opisyal nito para magsanay.
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lt.Gen. Romeo Brawner.
Ito ay bilang tugon sa nangyayari sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang patuloy na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Simula kasi noong taong 2004, nagpapadala na ang Pilipinas ng military officers sa China sa ilalim ng defense cooperation agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Matatandaan na una na ring isiniwalat ni Senator Francis Tolentino sa isang pagdinig sa Senado na nagpapadala ang gobyerno ng PH ng matataas na opisyal ng AFP sa China para mag-aral at magsanay sa Chinese Military Academy na kinumpirma naman ng isang DND official.
Nagbunsod ito ng panawagan ni Senator Raffy Tulfo na agarang itigil na ang pagpapadala ng matataas na military officers sa China dahil malaking insulto aniya ito at sampal sa ating bansa na sa China nag-aaral ang mga Pilipinong sundalo at nagkakautang na loob pa sa China ang ating mga military officer habang patuloy ang kanilang pambu-bully sa West Philippine Sea.
Samantala una na ring sinabi ng AFP official na bunsod ng panibagong mga tensiyon sa disputed waters, mukhang malabo na ring mangyari pa ang alok ng China naagsagawa ng joint drills kasama ang PH maliban na lamang kung ititigil ng China ang mapanganib na taktika nito sa pinagtatalunang karagatan.
Nanindigan din ang opisyal sa pagtataguyod ng rules-based international order at hiling lamang umano nila na sumunod dito ang China.