Target ng Department of Human Settlements and Urban Development na kumpletuhin ang mahigit isandaan at pitumpu’t walong housing projects sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa 5.4 billion pesos na proposed budget ng DHSUD sa 2024, nabatid na 72,820 initial housing units ang kukumpletuhin mula sa 410,327 units na bahagi ng masterplan hanggang sa taong 2026.
Ibinida ni Undersecretary Avelino Tolentino III na umabot na sa 165,498 units ang napondohan at natapos mula sa second semester ng 2022 hanggang first semester ng kasalukuyang taon.
42 percent ng mahigit 4.8 billion pesos na pondo ngayong taon ang nagastos ng ahensya.
Tiniyak din ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na walang “dummy recipients” ang makikinabang sa socialized at low-cost housing.
Nakikipagtulungan aniya sila sa local government units sa screening process ng mga benepisiyaryo lalo na sa pagbibigay ng listahan at approval bago ang pagkakaloob ng housing award.