Kung si retired PBA star Marc Pingris ang tatanungin, ibang level na ang laro ni June Mar Fajardo, ang kanyang kaibigan, kalaro sa DOTA, at dating teammate sa Gilas Pilipinas.
Malayu-layo na rin ang narating ni Fajardo, na una niyang nakasama noong 2013 sa FIBA Asia Championship at kanya ring naging kakampi noong 2014 World Cup.
Mula noong maging miyembro si Fajardo ng Gilas, tila naging mala-halimaw ang laruan nito.
Anim na magkakasunod na Most Valuable Player awards ang kanyang napanalunan at siyam na beses na nag-kampeon sa PBA.
Walang kayang pumigil sa player na itinuturing na ‘The Kraken’ na patuloy ang pamamayagpag bilang premyadong sentro ng Gilas
Bagamat nasa edad 33 na, tila matikas pa rin ang paglalaro ng pangunahing sentro ng national squad.
“Wala siyang katapat sa PBA,” ang sabi ni Pingris. “No competition pagdating kay June Mar.”
Kung tutuusin, pupuwede pang maglaro bilang import sa Asya si Fajardo sa kabila ng kanyang edad.
“Dati siguro, nung bata-bata pa ito, baka nga pwedeng mag-NBA pa ito kasi kaya niyang sumabay sa malalaki ng kahit sinong teams,” dagdag pa ni Pingris.
Ibinase ni Pingris ang kanyang obserbasyon sa FIBA World Cup kung saan kasalukuyabg nakaangkla kay Fajardo ang koponan ng Gilas pagdating sa hapitin sa labanan sa ilalim.
“Ang sabi ko sa kanya, sa laro nya, dalawa lang puwedeng pumigil sa kanya atbisa na doon ay ako, si Marc Pingris,” ang sabi ni Pingris.
Pero seryoso siya sa sinabing ang isa pang makakapigil kay Fajardo ay ang injuries.
Sa buong career nya sa paglalaro, ilang beses na ring nabakante si Fajardo bunga ng mga tinamong kapansanan.
Pero sa klase ng laro ni Fajardo, tiwala si Pingris na malaki ang tiwala nito na matulungan ang kampanya ng Gilas at maging role model sa mga mas batang malalaking big men.