Ibinahagi ng Komisyon sa Wikang Filipino noong Biyernes, 25 Agosto, ang mga parangal sa mga natatanging akda na nagbigay ambag sa kultura ng bansa sa isinagawang seremonya sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo sa Maynila.
Kabilang sa mga panauhing dumalo sa seremonya ay sina Gian Sotto, ang bise mayor ng Quezon City na kumatawan kay Mayor Joy Belmonte, Atty. Abelardo Manlaque, na kumatawan kay Senador Manuel ‘Lito’ Lapid at kay Senador Loren Legarda na nagpadala ng isang televised video.
Sa mensahe ni Legarda, kanyang ipinagmalaki ang Cultural Heritage Act kung saan naglalayon ito na ang bawat lokal na pamahalaan sa buong bansa ay lilikha ng isang mapa na magpapakita ng kultura na matatagpuan sa kanilang lokalidad.
Nakamit ni Joanah Pauline L. Macatangay ang ikatlong gantimpala para sa kanyang malalim na pag-aaral tungkol sa wika ng mga Kapampangan.
Pinamagatan ito na “Cabalen-tunaan ng Modernisasyon: Retorika bilang Instrumento ng Pakikipag-ugnayan at Pagpapalaganap ng Wika at Kulturang Kapampangan sa Akademya, Sining, at Internet.”
Ang ikalawang gantimpala ay nakuha ni Ariel A. Bosque para sa kanyang pag-aaral ukol sa mga AI na may koneksyon sa wika.
Ito ay may pamagat na “Maykrososmo ng Tagpuang Wika, Lipunan at Teknolohiya: Artikulasyon ng mga Sitwasyong Pangwika ng Pilipinas, Artipisyal na Talino, at mga Panghinaharap na Pagpaplano.”
Ang itinanghal na Mananaysay ng Taon 2023 ay si Mark Anthony Angeles para sa kanyang pag-aaral sa mayaman na kasaysayan ng Filipino at mga katutubong wika na pinamagatang “Mula Homo Luzonensis hanggang Maginhawa Community Pantry: Isang Panukalang Timeline ng Kasaysayan ng mga Wika ng Kapilipinuhan.”