Posibleng matuldukan ng desisyon ng Korte Suprema sa Makati-Taguig row ang Cayetano political dynasty sa Taguig City.
“Tingin ko nga this decision ng Korte Suprema is a Trojan Horse meaning sa darating na election magkakaalaman kung tama ba na pinush ng mga Cayetano itong kaso na ito or hinayaan na lang dapat nila. Kasi baka you know? Surprising kung ano mangyayari sa susunod na eleksyon,” sabi ni Atty. Ernelson Trojillo sa programang “Hot Patatas” sa Facebook page at YouTube channel ng Daily Tribune.
Giit ni Trojillo ang desisyon ng Supreme Court na ilipat ng ilang barangay ng Makati sa Taguig at posibilidad na pagtakbo ni Abby Binay sa Taguig mayoralty polls sa 2025 ang maaaring magwakas sa Cayetano dynasty kaya’t talagang kakaiba at kaabang-abang ito.
“Baka? it’s really a Trojan Horse kakaiba ito and exciting. Magandang tutukan ito kasi maraming matutuwa maraming malulungkot,” ani Trojillo.
Paliwanag ni Trojillo, kailangan talaga ang writ of execution upang magkaroon ng gabay ang dalawang siyudad paano ipatutupad ang SC decision lalo na’t mismong ang barangay na kinatatayuan ng bahay ni Binay ay kasama sa nailipat sa Taguig.
Upang mag-qualify aniya si Binay na maging mayoralty bet sa Taguig, kailangan niyang magbitiw bilang alkalde ng Makati hanggang sa Mayo 2024 upang maging kuwalipikadong kandidato sa Taguig.
Malabo aniyang matapos sa loob ng walong buwan ang lahat ng paghahanda sa political plans ni Binay sa Taguig.
“Malabo! Ako na ang nagsasabi,” ani Trojillo.
Gayunman, naniniwala ang abogado na itutuloy ni Binay ang kanyang pagtakbo bilang alkalde ng Taguig.
“Yes. So one year na lang. One year na lang and base sa nakikita ko tatakbo naman talaga siyang mayor ng Taguig.”