Hindi lamang pala dating pulis ang kontrobersyal na armadong motorista si Wilfredo Gonzales, gaya ng pahayag ng Philippine National Police (PNP).
Napag-alaman na si Gonzales, ay isang 63-anyos na dating Quezon City policeman na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 9 (Anonas).
Pinatalsik si Gonzales ng Office of the Ombudsman, kasama ang sampung iba pang pulis, pati ang kanyang station commander noong 2000 dahil sa pagpapalayas sa dalawang Chinese nationals kapalit ng P650,000.
Nabatid na ang dalawang Chinese nationals, Jimmy Tan at Albert Koo ay nadakip na may dalang 1.5 kilos ng shabu ngunit nagbigay ng suhol sa mga nasabing pulis upang makalaya.
Kung bakit inilihim ng PNP ang tunay na background ni Gonzales, puwede kayang itanong kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr?
Batid ng lahat na galing sa intelligence community si Acorda kaya labis na nagtataka ang nakakakilala sa kanya na tila may pagtatakip na ginawa sa pagbubunyag ng pagkatao ni Gonzales.
Hanggang pagbawi sa License To Own and Possess Firearm (LTOPF), Firearm Registration (FR) at Permit To Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ang ginawang hakbang ni Acorda laban kay Gonzales.
Maging ang mistulang maton na pagbabanta ni QCPD chief B/Gen. Nicolas Torre Jr. kay Gonzales sa social media ay binalewala rin ni Acorda.
Pinagbantaan kasi ni Torre si Gonzales sa kanyang komento sa viral video ni Mr. BI Vlogs kaugnay sa insidente.
“Damn, yari kang kalbo ka. Sumurender ka na sa pinakamalapit na QC police station para hindi na tayo mapagod pareho.
Pakidala at sumurender na rin ng baril mo para hindi na kami mag-search warrant pa sa bahay mo. Baka kabahan pa ang SWAT ko at makalabitan ka pa ng M16,” sabi ni Torre.
Malinaw na paglabag ito sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, alam kaya ito ni Gen. Acorda?