Sa darating na 30 Oktubre 2023, muli tayong mamimili ng ating iuupo sa ating mga kinabibilangang barangay, kasama na ang Sangguniang Kabataan.
Muling susubukin ang kakayahan ng mga botanteng mamili ng mga opisyal na inaakala natin makakatulong ng gobyerno sa implementasyon ng mga programang makapagbibigay ginhawa sa ating mga ka-barangay.
‘Ika nga, ito ang pinakamaliit at basic na unit ng sociedad kaya’t dapat lamang na tamang tao ang ating iluluklok.
Ano nga ba ang batayan sa pagpili ng mga karapat-dapat na barangay captains, kagawad at SK officials?
Simple lang.
Iboto mo yung kandidatong subok na ang paglilingkod.
Huwag yung madaling lapitan… pero mahirap hanapin.
Sila yung mga opisyal na bukas ang loob sa pagtulong kahit kakarampot lamang ang sweldo sa barangay, o yaong nauubos ang oras sa isang araw, matapos lamang ang kanyang kagustuhan na makapag-lingkod sa kanyang nasasakupan.
Batay sa Local Government Code of the Philippines, ilan sa mga mga mandato ng mga barangay captain ay ang mga sumusunod:
- May kapangyarihan ang Punong Barangay na mamumo at magpatupad ng mga ordinansa, at binibigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng Code at ng batas para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.
- Makipag-negotiate, at pumirma ng mga kontrata bilang kinatawan ng kanyang mga nasasakupan na may basbas ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay
- Mag-maintain ng public order sa nasasakupan at mag-asiste sa city of Municipal Mayor sa kanyang mga ipatutupad na ordinansa
- Mag-prepare ng taunang executive at supplemental budgets ng barangay, gayundin ang pag-approve ng vouchers sa disbursement ng Barangay funds; at marami pang iba.
Ilan lamang ang mga ito sa mga kapangyarihang iaatang natin sa mga pipiliin nating bagong barangay captain.
Kaya’t nangangailangan ng matalinong pagpapasya ang ating gagawing pagboto sa 30 October.
Muling paalala sa ating mga kabarangay… huwag tayong magpabola, lalo na pagtanggap ng salapi mula sa mga kandidato, dahil tiyak, may masamang balak yan kapag siya na ang naupo sa pwesto.
Sa aking pagtatanong sa ilan kung tatanggapin ba nila ang perang iaabot sa kanila ng mga kandidato sa darating na Barangay Elections 2023, ilan sa kanila ang sumagot na tatanggapin pero magiging matalino sa pagboto.
“Sa hirap ng buhay ngayon, aabutan ka na nga… tatanggihan mo pa ba? Hindi mo naman hiningi yun eh. Ako na lang ang bahala kung iboboto ko sila o hindi!” sagot ng aking nakausap.
Share ko lang…
Naalala ko ang kwento ng aking ina sa aming maliit na barangay sa Barangay Danlagan Reserva, Guinayangan, Quezon.
Kwento nya, sa tuwing barangay elections ay hirap na hirap ang mga maliit na sari-sari stores doon para palitan ang mga P500 ng mga bumibili sa tindahan. Nakakapagtakang halos lahat ng mga mamimili ay P500 ang pera, gayong dati ay hindi naman.
Dahil nga uso ang gapangan ng boto lalo na sa mga maliliit na baryo, alam na this! Peace!