Tiniyak ng mga awtoridad sa India na gagawin ang tamang hakbang upang matugunan ang isyu ng pag-utos ng isang guro sa kanyang mga mag-aaral na sampalin ang kanilang 7-anyos na kaklaseng Muslim nang magkamali sa multiplication table.
Ayon sa human rights groups, tumataas ang bilang ng hate crimes at karahasan laban sa pinakamalaking Muslim minority mula maluklok sa puwesto si Hindu-nationalist Prime Minister Narendra Modi noong 2014.
Kumalat ang footage ng insidente noong Huwebes na nagpakita sa isang guro sa private school sa Uttar Pradesh state na inuutusan ang kanyang mga estudyante na sampalin ang 7-anyos nilang kaklaseng Muslim na nagkamali sa kanyang multiplication table.
“Why are you hitting him so lightly? Hit him hard,” sabi ng guro sa kanyang mga mag-aaral habang nakatayong umiiyak ang batang sinasampal.
“Start hitting him on the waist… His face is turning red, hit him on the waist instead,” dagdag niya.
Ayon kay police superintendent Satyanarayan Prajapat, beripikado ang footage.
“Departmental action will be taken against the teacher,” aniya sa isang video sa social media.
Nagsampa ng kaso ang ama ng biktima sa pulisya sa Muzaffarnagar district.