Maaaring matagal pa bago masimot ang yaman ng pinatalsik na Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves kahit ‘lumiit na ang kanyang mundo’ bilang deklaradong terorista at akusado sa tambak na murder case.
Inamin ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na may posibilidad na “cold hard cash” ang hawak ng dating mambabatas kaya walang ulat ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga financial transaction ni Teves.
Napaulat na si Teves ay sangkot sa operasyon ng e-sabong na idineklarang illegal ng pamahalaan.
“Wala po kaming report galing sa AMLC doon,” sabi ni Clavano.
“There is the possibility na mayroon silang cold hard cash and that’s something that we will not discount. Posible po iyan and I think evident naman po iyan sa kaniyang stay abroad for so long na mayroon pa rin siyang resources na puwedeng gamitin,” dagdag niya.
Ang pagtatak aniya ng administrasyong Marcos Jr. kay Teves bilang isang terorista ay bilang anunsyo sa buong mundo upang hindi siya papasukin sa ibang bansa.
Habang ang kapatid ni Teves na si Henry Pryde na tinatakan ding terorista ay nasa bansa pa, ani Clavano, at may planong kuwestiyonin ang desisyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa hukuman.
Sinabi ni Clavano, naghain na ng mga kaso ang piskal laban kay Teves sa Manila Regional Trial Court dalawang linggo ang nakakaraan.
“Cases for murder, frustrated murder and attempted murder have been filed against Arnolfo Teves Jr. two Fridays ago, before the RTC of Manila as far as the Degamo cases are concerned,” aniya.
Habang ang mga kasong murder na nangyari noong 2019 ay isinampa laban kay Teves sa Bayawan, Negros Oriental noong nakalipas na linggo.