Kombinsido ang Health Alliance for Democracy (HEAD) na dapat litisin ang lahat ng sangkot sa Pharmally anomaly kabilang sina dating Presidential Adviser and Chinese Businessman Michael Yang, dating Department of Health Secretary Francisco Duque III at dating Presidente Rodrigo “Digong” Duterte.
Kinuwestiyon ng HEAD kung bakit walang kasong plunder na isinampa lalo na’t ang anomalya ay nagkakahalaga ng P10 bilyon ay sobra sobra sa minimum threshold na P50 milyon para sa plunder cases.
Sa inilabas na resolution ng Office of the Ombudsman na may petsang 14 Agosto 2023 ay inirekomenda ang pagsasampa ng graft cases laban kay PS-DBM executive director Lloyd Christopher A. Lao, dating procurement group director at ngayo’y Overall Deputy Ombudsman Warren Rex H. Liong at dating procurement management officer Paul Jasper V. De Guzman; at Pharmally Pharmaceuticals Corporation president Twinkle Dargani, corporate secretary at treasurer Mohit Dargani, Pharmally director Linconn Ong, Justine Garado at Pharmally chair Huang Tzu Yen.
Ngunit sina Yang, Duque at Duterte ay hindi kasama sa kinasuhan.
Batay sa Senate Blue Ribbon Committee Report noong Pebrero 2022, inirekomenda ang paghahain ng kasong plunder, graft, and other criminal charges laban kina Duque, Lao, Liong, Yang, at Pharmally executives.
Nakasaad din sa Senate report ang paghahain ng mga reklamo laban kay Duterte “at some point after his term of office” dahil tinalikuran niya ang interes ng publiko nang italaga si Yang bilang kanyang economic adviser at pinayagan na tulungan ang Pharmally na masungkit ang isang P10-billion contract sa gobyerno.
“Duterte also “betrayed public trust” when he sought to discredit the Senate and the Commission on Audit,” sabi ng HEAD sa isang kalatas.