Pinaalalahanan ng aktres na si Kathryn Bernardo ang publiko na huwag isiping perperkto silang mga artista dahil malayo raw ’yon sa katotohanan.
Sinabi n’ya ito sa grand media conference noong 23 Agosto para sa inaabangang Star Cinema movie na “A Very Good Girl.”
Base kasi sa trailer ng pelikula ay masasabing may pagka-risky o rebellious ang character ni Kath na si Philo kaya naman natanong s’ya ng entertainment press kung dumaan rin ba s’ya sa phase ng buhay n’ya kung saan naging rebellious s’ya.
Sagot ng Kapamilya star, noon pa man ay aware na raw s’ya na kailangan n’yang mag-behave nang tama dahil ginagaya ng mga bata ang mga gaya n’yang public figure.
“Growing up hanggang ngayon, aware ako na maraming nakatingin sa [akin]. [I] have to be good. I have to do this and that, especially, ’yong mga bata, gagayahin kung ano ’yong makita sa’yo,” panimulang paliwanag ng aktres.
Ganu’n pa man, makailang ulit na umano n’yang ipinauunawa na sa lahat hindi naman perpekto ang mga artistang tulad n’ya. Just like any human being, nagkakamali rin daw sila.
“But then, every time may press con and they ask me this, I always answer na, ‘Hindi porke artista perfect na. Hindi porke sinabi n’yong role model [nangangahulugan nang] wala kaming imperfections and we can’t commit mistakes and we can’t learn from our mistakes,’” pagpapakatotoo n’ya.
(halaw sa pikapika.ph)