SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Bilang isa sa mga inisyatibo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Office na makapagbigay ng trabaho sa mga nagtapos sa ilalim ng kanilang scholarship program, nagsasagawa ngayon ang kanilang tanggapan ng World Café of Opportunities sa Brgy. Sto Nino, Rizal.
Mahigit siyam (9) na private employers mula sa lalawigan at kalapit na probinsya ang nangangailangan ng mga manggagawa para sa iba’t ibang trabaho gaya ng technician, heavy equipment operators, electrical engineers, at office staff ang inimbitahan ng TESDA para sa isinasagawang job fair.
Ibinahagi ni TESDA Occidental Mindoro Provincial Director Rosalina Reyes sa isang panayam na hindi lamang nakatuon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga iskolar nito.
“Ito rin naman ang gusto ng TESDA. We are not only aiming for giving skills training. Syempre ang aim natin ay pagkatapos ng training ay magkatrabaho sila. Binigyan na natin sila ng sandata kaya they have to use their skills kasi para naman ito sa kanila,” paliwanag ni Reyes.
Katuwang ng TESDA ang Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), PhilHealth, PAGIBIG, lokal na pamahalaan, at ang mga Technical Vocational Institutes (TVIs) sa pagsasagawa ng World Café of Opportunities.
“Yung mga partner nating TVIs, in-invite din yung past trainees nila na mag join sa job fair kasi yung iba baka wala ang trabaho sayang naman yung oportunidad na sila ay makapaghanap ng trabaho. We have invited SSS, PhilHealth, PAGIBIG…para kung sinabi ng company na kailangan ng SSS ID, maipo-provide ito agad,” dagdag ni Reyes.
Inaasahang may 100 na dadalo ngayon sa nasabing job fair sa lalawigan.
Magkakasabay na gaganapin ang naturang job fair sa iba pang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-29 anibersaryo ng pagkakatatag ng TESDA mula ika-22 hanggang ika-25 ng Agosto. (DSG/PIA Mimaropa-OccMin)