Malawak at nakamamangha ang kultura sa Pilipinas, isa sa mga dahilan ay ang pagdaan ng ating bansa sa mga kamay ng iba’t ibang kolonisador, at sa impluwensiya ng mga kalapit na bansa.
Maituturing man na ‘madilim’ ang panahon na ito, hindi maikakaila ang mayaman na ambag nito sa ating kultura at sa ating wika.
Magmula sa pagdating mga pangkat ng mga Negrito, Malay at Indones (aborigines), hanggang sa pakikipagpalitan ng produkto sa mga Tsino, pagdating ng mga Kastila at ang pagdadala nito ng Kristyanismo, ang pananakop ng mga Amerikano at ang maikli ngunit bayolente na pagdating ng mga Hapon. Ang mga panahon na ito ang humubog upang mabuo ang wika na ginagamit natin ngayon.
Ang Pilipinas ay napasailalim sa mga Kastila sa loob ng 333 taon, at napakalawak ng naging impluwensiya nito sa bawat aspeto ng ating buhay.
Ayon kay Jomar Cañega, ang puno sa Sangay ng Impormasyon at Publikasyon Komisyon ng Wikang Filipino, malaki ang naging ambag ng mga Kastila sa pang-araw-araw nating pakikipag usap.
“Sa katunayan po mahigit limang libong salita ang nakapaloob sa Wikang Pambansa.”
Dagdag ni Cañega ilan sa mga salitang Kastila na napapakinabangan pa rin hanggang ngayon ay ang mga salitang mesa, kutsara, kaldero, at marami pang iba. Tiyak na maraming Pilipino ang walang kamalay-malay na ang mga salitang ito– na madalas gamitin ay galing sa Kastila.
Ang mga Tsino, kahit na hindi sinakop ang Pilipinas, ay nagkaroon ng malaking ambag sa pag-unlad ng ating wika– bilang isa sa mga pinakaunang nakapalitan ng produkto ng mga Pilipino.
Nang maglaon, hindi lang sa wika nagkaroon ng ambag ang mga Tsino kundi maging sa mga pagkain na patuloy na umuunlad at makikita sa Pilipinas.
Ang wikang Ingles naman na ibinida naman ng mga Amerikano ang isa sa mga ginagamit sa bansa.
Kasabay itong itinuturo sa mga paaralan sa bansa, kung kaya’t dumarami ang mga estudyante ang natututo ng wikang ito.
Sa panahon naman ng Hapon, hindi salita ang kanilang napairal dahil sa maikling panahon ng kanilang pananakop, ngunit ipinasok ang kaisipan na ‘Asia for the Asian’, kung saan dapat umanong iwasan ng mga Asyano ang mga katuruan ng mga taga-kanluran, at umpisahan na gamitin ang orihinal na wika.
Hindi man napanatili ang wika natin mula noong umpisa, isa itong testamento na ang wika natin ay isa sa mga pinakamayaman dahil sa impluwensiya ng iba’t ibang bansa.