Sa panahon kung saan kailangang ibalanse ang kumpetisyon sa PBA at dapat palakasin ang mga parating kulelat na teams gaya nang Blackwater at Terrafirma, kailangang mag-isip ang Philippine Basketball Association ng paraan kung paano maibabalik ang sigla sa liga.
Isang paraan para manumbalik ang interest ng mga manonood ay kung makikita nilang tumataas ang tsansa ng bawat kasaling koponan.
Sa mga nakaraang kumperensiya, bilang mo lang sa daliri kung ilang beses pumasok sa playoffs ang mga teams gaya nang Terrafirma at Blackwater, na madalas parating maagang nagbabakasyon sa 12 teams na kasali sa kaunaunahang professional basketball league sa bansa.
Hindi rin masasabing balanse kung ang madalas na nanalo ng championship sa PBA ay mga teams na nanggagaling lang halos sa iisang kumpanya o paminsan-minsan man, nakakasikwat ng titulo ang iba pang kasama.
Sa nakaraang 16 na torneo, pawang mga kumpanya na nagmamayari ng tatlo o higit pang mga koponan ang nanalo ng championships, 14 dito ay galing sa San Miguel Corporation kung saan dinomina ng San Miguel Beer, Barangay Ginebra at Magnolia ang mga kampeonato.
Dalawang beses namang nakasingit dito ang TNT na nagawang makopo ang titulo sa nakalipas na dalawang taon.
Ang huling independent team na nanalo ng championship sa PBA ay ang Rain or Shine, na siyang ginagabayan ni multi-titled coach Yeng Guiao, subalit hindi na nagawang maulit ang matagumpay nilang mga kampanya nang lumipat ang beteranong taga-sanay para mag-coach sa NLEX ng mahigit limang taon.
Sa kanyang pagbabalik sa Elasto Painters, nagawang madala muli ni Guiao ang koponan sa playoffs, subalit hindi pinalad noong season-ending tournament na Governors’ Cup kung saan maaga silang nasipa at na-eliminate.
May buong season na muling mahahawakan ni Guiao ang Rain or Shine sa parating na seson na magsismula sa Oktubre 15 at magandang pangitain na naging second placer sila sa nakaraang preseason tournament na PBA On Tour at nagawang i-representa ang liga sa nakaraang William Jones Cup.
Sa William Jones Cup, bitbit nila rito ang naturalized player ng Gilas Pilipinas na si Ange Kouame, na naging katuwang ng isa pang reinforcement na si Nick Evans.
Pero hanggang dito na lang makakapaglaro para sa koponan si Kouame dahil hindi siya papasa sa sukat sa parating na Commissioner’s Cup kung saan tanging mga imports na 6-foot-9 pabababa lamang ang papayagang maglaro.
Sa panayam sa Down To The Wire podcast, sinabi ni Guiao na dapat bigyan ng tsansa si Kouame na makapaglaro, hindi man sa kanilang koponan kung hindi sa mga teams na hindi maganda ang naging kartada sa nakaraang kampanya.
“Siguro yung tatlong teams na nasa ilalim, pwede nating palaruin dito si Kouame, para naman mabigyan ng mas magandang tsansa yung mga teams na ito. Parang magiging handicapping na pwedeng maglaro sa kanila si Kouame kahit lagpas sa sukat tapos yung ibang teams naman, 6-foot-9 or below ang mga imports,” ang sabi ni Guiao.
“Kung ako tatanungin, payag ako dyan.”
Hindi na bago ang handicapping system sa liga.
Panahon pa ng Crispa at Toyota na madalas idomina ang liga, ginagawa na ng PBA ang handicapping system, kaya naman nagkakaroon ng pagkakataon na manalo ng championships ang ibang koponan gaya ng U/Tex at Royal Tru-Orange/San Miguel, at naging contender rin ang mga teams na Mariwasa at Filmanbank na pumasok sa finals ng 1977 at 1978 seasons, pero hindi pinalad makopo ang titulo.
Maari rin itong ibalik ng PBA kung sakasakali at baka naman magbago ang timpla ng kapalaran ng Terrafirma at Blackwater.
Pero ang pagpapalakas ng koponan ay pawang nakasalalay pa rin sa kanilang mga kamay at para sa Terrafirma at Blackwater, kailangang may gawin silang paraan para hindi alisin sa kanilang koponan ang future stars ng kanilang prankisa.