Balak ng Makabayan Bloc sa Kamara na maghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y hindi awtorisadong paggamit ng confidential funds noong 2022.
Ito’y matapos maibunyag sa budget briefing ng Commission on Audit (COA) na mayroon umanong 125 million pesos na confidential funds ang Office of the Vice President noong 2022.
Ang pondo ay hindi bahagi ng 2022 General Appropriations Act.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Representative France Castro, pag-aaralan nila ang posibilidad na mapanagot ang pangalawang pangulo kung mapatutunayan ang paglabag.
Kabilang na rito ang misuse of public funds, technical malversation at paglabag sa Konstitusyon.
Iginiit ni Castro na kailangang magpaliwanag si Duterte kung paano ito nakapaglaan ng 125 million pesos na confidential expenses sa huling anim na buwan ng 2022 kahit na walang Congressional authorization ang kanyang tanggapan. (BNFM)