GASAN, Marinduque (PIA) — Nasa 100 na mga ina sa bayan ng Gasan kasama ang kani-kanilang sanggol ang nakiisa sa sabayang pagpapasuso na isa sa mga tampok na gawain sa pagdiriwang ng National Breastfeeding Awareness Month na itinaon din sa paggunita ng selebrasyon ng Araw ng Gasan.
Layunin ng gawain na mabigyan ng wastong kamalayan ang mga magulang sa kahalagahan ng pagpapasuso gamit ang gatas ng ina sa unang 1,000 araw ng sanggol.
Ayon kay Maureen Leyco, Nutrition Officer ng Provincial Nutrition Office, ang breastfeeding ay mahalaga lalo na sa unang anim na buwan ng sanggol para matiyak ang maayos na paglaki at pagiging malusog ng isang bata.
Aniya, hindi kayang pantayan ng anumang gatas na mabibili sa merkado o formula milk ang gatas ng ina sapagkat ito ay ligtas, malinis at may anti-bodies na nagpo-protekta sa mga sanggol laban sa respiratory infection gaya ng ubo, sipon at lagnat.
Namahagi naman ang Tanggapan ng Panlalawigang Nutrisyon ng mga food packs na naglalaman ng maternal milk, raisin, nuts, oatmeal, biscuits, orange apple fruits at yogurt habang nagkaloob ng mga pa-premyo ang Municipal Nutrition Office sa pangunguna ni Municipal Nutrition Action Officer Marietta Sosa at Konsehal Mary Kris Tolentino. (RAMJR/AMKDA/PIA MIMAROPA – Marinduque)